Natuklasan ng pinagsanib na puwersa ng kapulisan at militar ang isang tagong imbakan ng mga armas, bala, at kagamitang pampasabog sa Sitio Lucban, Brgy. Dibuluan, San Mariano, Isabela, bandang alas-3:00 ng hapon noong Hulyo 15, 2026.
Isinagawa ang operasyon bilang bahagi ng tatlong araw na minor combat operation ng mga tauhan ng 1st Isabela Provincial Mobile Force Company (IPMFC), katuwang ang Provincial Intelligence Unit ng Isabela Police Provincial Office, Isabela Provincial Explosive Ordnance Disposal and Canine Unit, 201st Maneuver Company ng RMFB2, Regional Intelligence Unit 2, at 95th Infantry Battalion, Philippine Army. Naging matagumpay ang operasyon sa pamamagitan ng impormasyong ibinahagi ng isang dating rebelde.
Sa isinagawang paghuhukay, narekober ang isang MK2 fragmentation hand grenade, limang 40mm high explosive cartridges, iba’t ibang uri ng 7.62mm ammunition, commercial detonating cord, dalawang improvised anti-tank devices, firing wire, blasting machine, at isang portable generator. Ang lahat ng narekober na military ordnance at improvised explosive devices (IEDs) ay agad na isinuko sa Isabela PECU para sa wastong paghawak at disposisyon.
Patuloy na pinaiigting ng Isabela Police Provincial Office ang intelligence-driven operations at pakikipag-ugnayan sa iba pang law enforcement agencies at komunidad upang mapigilan ang anumang banta sa seguridad at mapanatili ang isang ligtas, mapayapa, at insurgency-free na lalawigan ng Isabela.
Source: PNP Isabela



