Matagumpay na naaresto ng pinagsanib na puwersa ng kapulisan ang isang lalaking nahaharap sa kasong murder sa isinagawang operasyon ng pagsisilbi ng warrant of arrest sa Sitio Andarayan, Barangay Rizal, Alicia, Isabela, madaling-araw ng Hulyo 15, 2026.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Noli,” 37 taong gulang, may asawa, walang trabaho, at residente ng nasabing bayan. Dakong alas-2:00 ng madaling-araw nang magsagawa ng operasyon ang Tracker Team ng Cauayan Component City Police Station bilang lead unit, katuwang ang Alicia Municipal Police Station at iba pang yunit sa ilalim ng Isabela Police Provincial Office.
Isinilbi sa suspek ang warrant of arrest na inilabas noong Hulyo 14, 2026 ng Regional Trial Court, Branch 40, Cauayan City, Isabela kaugnay ng kasong murder na walang inirekomendang piyansa. Dahil sa pagiging armado at itinuturing na mapanganib, nagsagawa ng tactical approach ang SWAT Team ng Cauayan CCPS na nagresulta sa matagumpay na pagkakaaresto.
Sa operasyon, nakumpiska ang apat na sachet ng hinihinalang shabu na may tinatayang bigat na isang kilo at Standard Drug Price na Php6.8 milyon. Narekober din ang isang Armscor shotgun na may limang bala ng 12-gauge, isang Armscor caliber .45 pistol, iba’t ibang live ammunition, isang hand grenade, isang plastic replica grenade, isang bolo, dalawang glass tube pipe, dalawang digital weighing scale, salapi, at iba pang kagamitang pinaniniwalaang may kaugnayan sa ilegal na droga.
Dinala ang suspek sa Cauayan CCPS para sa kaukulang dokumentasyon habang isinasailalim naman sa laboratory examination ang mga nakumpiskang droga at iba pang ebidensya.
Patuloy na pinaiigting ng Police Regional Office 2 ang kampanya laban sa kriminalidad at ilegal na droga upang maprotektahan ang mamamayan, mapanagot ang mga lumalabag sa batas, at maisulong ang isang ligtas, mapayapa, at drug-free na Rehiyon Dos.
Source: Police Regional Office 2



