Arestado ng mga operatiba ng Police Regional Office 12 ang isang suspek sa pamamaril sa isinagawang mabilis na hot pursuit operation ilang sandali matapos ang insidente sa Barangay Upper Baguer, Pigcawayan, Cotabato nito lamang madaling-araw ng Hulyo 29, 2026.
Ayon kay Police Brigadier General Alan B Manibog, Acting Regional Director ng Police Regional Office 12, batay sa paunang imbestigasyon, sakay ng kanyang motorsiklo ang 25-anyos na biktima nang bigla siyang lapitan ng suspek na kinilalang si alias Donny, 37 anyos, residente ng naturang barangay, at biglang binaril ng isang beses na tumama sa kanang ibabang bahagi ng tiyan. Sa kabila ng tinamong tama ng bala, nakatakas ang biktima at agad na isinugod sa ospital upang malapatan ng agarang lunas.
Positibong kinilala ng biktima ang suspek bilang salarin, dahilan upang agad na magsagawa ng hot pursuit operation ang mga tauhan ng Pigcawayan Municipal Police Station na nauwi sa agarang pagkakaaresto sa suspek sa kanyang tahanan na malapit lamang sa pinangyarihan ng insidente.
Napag-alaman na lumitaw sa paunang imbestigasyon ng pulisya na personal na alitan ang pinagmulan ng pamamaril.
“Sa PRO 12, hindi natin hahayaang makalayo ang sinumang lumalabag sa batas. Patuloy nating paiigtingin ang mabilis na pagtugon at masusing imbestigasyon upang maihatid ang hustisya at mapanatili ang kapayapaan sa ating mga komunidad,” saad ni PBGen Manibog.
Source: Police Regional Office 12



