Arestado ang isang lalaki matapos umanong maaktuhang nagnanakaw sa loob ng isang bahay at makumpiskahan pa ng ilegal na droga at baril noong Mayo 19, 2026 sa Brgy. Poblacion, Bustos, Bulacan.
Batay sa ulat ni Police Captain Heherson M. Zambale, Officer-In-Charge ng Bustos Municipal Police Station, kinilala ang naarestong suspek na si alias “Bert,” 24-anyos, walang trabaho at residente ng Brgy. Paltok, Angat, Bulacan.
Sa isinagawang imbestigasyon, nagtungo umano ang biktima sa kanilang lumang bahay upang maglinis at magtabas ng damo nang mapansin nito ang isang lalaki na pilit na pumapasok sa bahay sa pamamagitan ng bubong. Agad itong humingi ng tulong sa Bustos MPS, kaya’t rumesponde ang mga pulis at nadatnan ang suspek na umano’y nagpuputol ng mga kawad sa loob ng bahay, na nagresulta sa kanyang pagkakaaresto.
Nakumpiska mula sa suspek ang mga hinihinalang ninakaw na putol na kawad, isang car battery na tinatayang nagkakahalaga ng humigit-kumulang Php3,000, mga kagamitang ginamit umano sa pagnanakaw, isang sling bag, at isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may tinatayang timbang na limang gramo at Standard Drug Price na Php34,000.00. Narekober din ang isang caliber .38 revolver na may markang “ARMSCOR 202” at Serial Number 810320 na loaded ng dalawang live ammunition.
Nahaharap ang naarestong suspek sa kasong robbery, paglabag sa Section 11, Article II ng RA 9165, at paglabag sa RA 10591.
Binigyang-diin ni Police Colonel Jay B. Baybayan, Officer-In-Charge ng Bulacan Police Provincial Office, na patuloy ang pinaigting na kampanya ng Bulacan PPO laban sa kriminalidad, ilegal na droga, at loose firearms upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng publiko sa buong lalawigan ng Bulacan, alinsunod sa “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman.”



