Muling ipinamalas ng Kaogma Cops ang kanilang husay at determinasyon sa pagtugis sa mga pinaghahanap ng batas matapos matagumpay na maaresto ang Rank 4 City Most Wanted Person ng Iriga City sa isinagawang Manhunt Charlie Operation nito lamang Mayo 16, 2026 sa Brgy. San Agustín, Iriga City, Camarines Sur.
Kinilala ang suspek na si alyas “Win,” 40 taong gulang, walang trabaho, at residente ng nasabing lungsod, na nahaharap sa kasong paglabag sa Article II, Section 11 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Naisakatuparan ang operasyon, sa pangunguna ng Tracker Team ng Iriga City Police Station sa ilalim ng superbisyon ni PLtCol Jeric Don P. Sadia, ACOP ng Iriga City, Police Station.
Ang implementasyon ng warrant ay maingat ding naitala gamit ang Alternative Recording Device (ARD) bilang bahagi ng pinaigting na transparency sa police operations.
Ayon kay PCol Virgilio O. Olalia Jr., Provincial Director ng Camarines Sur Police Provincial Office, ang matagumpay na operasyong ito ay patunay ng walang humpay na dedikasyon ng kapulisan sa pagpapanatili ng kaayusan at pagpapairal ng batas.
“Patuloy nating palalakasin ang ating kampanya laban sa kriminalidad at ilegal na droga. Ang bawat wanted person na ating naihaharap sa hustisya ay isang mahalagang hakbang tungo sa mas ligtas at mapayapang komunidad para sa bawat mamamayan ng Camarines Sur,” ani PCol Olalia.
Pinagtitibay ng Kaogma Cops ang kanilang paninindigan na walang puwang ang mga lumalabag sa batas sa kanilang komunidad at mananatiling masigasig sa pagseserbisyo para sa kapakanan ng publiko alinsunod sa hangarin ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong mabilis, tapat, at nararamdaman.”



