Tuwing Mayo 28, ginugunita ng bansa ang National Flag Day bilang pag-alala sa makasaysayang unang pagwagayway ng watawat ng Pilipinas matapos ang tagumpay ng mga Pilipino laban sa mga dayuhang mananakop noong 1898 sa Alapan, Cavite. Ang watawat ay hindi lamang simpleng simbolo kundi sagisag ng tapang, pagkakaisa, at sakripisyo ng mga bayaning nag-alay ng buhay para sa kalayaan ng bansa.
Ayon sa Republic Act No. 8491 o “Flag and Heraldic Code of the Philippines,” mahalagang mapanatili ang dignidad ng watawat at maiwasan ang maling paggamit nito. Sa umiiral na batas, mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng watawat bilang dekorasyon, mantel, kurtina, o bahagi ng kasuotan at uniporme.
Nakasaad din sa batas na ang watawat ay dapat nakataas mula sa pagsikat hanggang sa paglubog ng araw, malinis, maayos, at hindi dapat sumayad sa lupa o tubig. Maaari lamang itong iwagayway nang magdamag kung may sapat na ilaw. Bahagi rin ng alituntunin ang wastong pagtitiklop at pag-iingat sa watawat bilang paggalang sa pambansang simbolo.
Bilang paggalang sa pambansang simbolo, hinihikayat ang lahat ng mamamayan, mga paaralan, pribadong sektor, at mga tanggapan ng pamahalaan na maayos na magtaas ng watawat sa kani-kanilang lugar.
Nananatiling kaisa ang Philippine National Police sa pagsusulong ng nasyonalismo at disiplina sa hanay ng mamamayan sa pagdiriwang ng National Flag Day sa darating na Mayo 28. Sa iba’t ibang himpilan ng pulisya, isinasagawa ang mga seremonya ng pagtataas ng watawat at mga programang nagpapaalala sa kahalagahan ng pagkakaisa at responsableng pagiging mamamayan bilang bahagi ng pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa komunidad.
Sa ilalim ng kampanyang “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman,” patuloy na pinatitibay ng PNP ang makabayang paglilingkod at suporta sa mga pambansang pagdiriwang na nagpapahalaga sa kasaysayan, kultura, at pagkakakilanlan ng sambayanang Pilipino.



