40th ASEAN HSU Meeting, ginanap sa bansa; PNP, nanguna sa pagdaraos

0
179

Matagumpay na pinangunahan ng Philippine National Police (PNP) sa pamamagitan ng PNP Women and Children Protection Center (WCPC) sa ilalim ng pamumuno ni Police Brigadier General Sheila T. Portento, Chief, WCPC, ang ginanap na 40th Meeting ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Heads of Specialist Anti-Trafficking Units (HSU) nito lamang May 11, 2026 sa DILG NAPOLCOM Building, Quezon City.

Ang nasabing pagtitipon ay dinaluhan ng iba’t ibang mga kalahok mula sa mga ASEAN Member States (AMS), kabilang na ang mga bansang Brunei Darussalam, Cambodia, Indonesia, Lao PDR, Malaysia, Myanmar, Singapore, Thailand, Vietnam, at Timor-Leste, kasama ang mga ASEAN Secretariat, SOMTC representatives, at ang mga kasapi ng ASEAN-Australia Counter Trafficking (ASEAN-ACT).

Kabilang sa mga tinalakay sa nasabing pagtitipon ang iba’t ibang mga best practices, operational developments at mga coordination strategies ng lahat ng mga AMS, kung saan nakibahagi rito si Police Colonel Joan L Montero, na siyang tumatayong HSU Focal Point ng bansa, para sa pagpipresenta ng mga kaganapan at positibong progreso sa Pilipinas kaugnay sa usapin ng Anti-Trafficking.

Nagkaroon din ng review sa implementasyon ng HSU Work Plan 2025–2026, kung saan napagkasunduan ng lahat ng mga kalahok ang pagpapatupad ng iba’t ibang mga aktibidad na nakabatay sa SOMTC Work Programme at sa ASEAN Multi-Sectoral Work Plan on Trafficking in Persons (2023–2028), maging ang pagpapatibay ng koordinasyon ng bawat bansa upang mas epektibong maipapatupad ang parehong mga inisyatiba sa buong rehiyon ng Southeast Asia.

Samantala, ipinresenta naman ng Australian Mission to ASEAN at ASEAN-ACT ang Practical Guidelines on Transnational Investigative Cooperation (TIC), kung saan napagkasunduan ng grupo ang pagsasapinal ng nasabing guidelines sa pangunguna ng Pilipinas kasama ang bansang Malaysia bilang co-lead.

Nagtapos ang aktibidad ng may panibagong pag-asa at mga inisyatibo upang epektibong malabanan ang problema ng anti-trafficking in persons hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong rehiyon ng Timog-Silangang Asya.

Leave a Reply