Aktibong nakiisa ang mga tauhan ng Santo Tomas Police Station sa isinagawang National Drug Education Program noong Hulyo 31, 2026, alas-1:00 ng hapon sa Cupang Integrated School, Santo Tomas District, Division of La Union.
Isinagawa ang programa sa temang “A Safer Future for Students and Teachers,” na naglalayong palawakin ang kaalaman ng mga mag-aaral, guro, at mga kawani ng paaralan tungkol sa panganib ng ilegal na droga, substance abuse, at iba pang bisyo upang maisulong ang isang ligtas at malusog na kapaligiran sa pag-aaral.
Nagsilbing mga resource speaker ang mga PNP personnel at nagbigay ng talakayan hinggil sa masasamang epekto ng paggamit ng ilegal na droga, pag-inom ng alak, paninigarilyo, at iba pang uri ng substance abuse. Binigyang-diin sa talakayan ang negatibong epekto ng mga ito sa kalusugan, pag-aaral, pamilya, at kinabukasan ng isang indibidwal.
Hinikayat din ang mga kalahok na gumawa ng matalinong pagpapasya, pairalin ang mabubuting pagpapahalaga, at maging responsableng mamamayan sa pamamagitan ng paglayo sa ilegal na droga at iba pang bisyo.
Ipinakita rin ng aktibidad ang matatag na ugnayan ng Philippine National Police at Department of Education sa pagsusulong ng isang ligtas, mapayapa, at drug-free na kapaligiran sa mga paaralan. Sa pamamagitan ng patuloy na information and education campaigns, layunin ng PNP na mapataas ang kamalayan ng kabataan laban sa masasamang impluwensya at mahubog sila bilang responsableng mamamayan na katuwang sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa Bagong Pilipinas.
Panulat ni PMSg Carmela G Danguecan
Source: Santo Tomas PS



