Sales manager, arestado ng NCRPO dahil sa umano’y Php1.2M investment at employment scam
Arestado ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang ang isang 33 anyos na sales manager dahil umano’y Php1.2 milyong investment at employment scam matapos ang isinagawang entrapment operation sa Brgy. Batasan Hills, Quezon City, noong Agosto 20, 2026.
Batay sa imbestigasyon, nakilala umano ng 42-anyos na negosyante ang sales manager sa pamamagitan ng isang kakilala sa Facebook Messenger. Inalok umano siya nito ng overseas employment at condominium investment, dahilan upang makapaglipat siya ng humigit-kumulang Php1.2 milyon para sa sinasabing document processing at investment-related transactions.
Lalong tumibay ang hinala ng biktima nang makatanggap siya ng dalawang post-dated check na nagkakahalaga umano ng Php60 milyon at Php30 milyon bilang reimbursement sa kanyang investment. Sa beripikasyon, napag-alamang peke ang mga naturang tseke kaya agad siyang humingi ng tulong sa kapulisan.
Isinagawa ang entrapment operation matapos umanong humingi ang sales manager ng karagdagang Php88,000 para sa processing ng Deed of Absolute Sale ng condominium units. Dakong alas 9:20 ng gabi nang maaresto siya matapos tanggapin ang marked money at boodle money mula sa complainant. Narekober din sa kanya ang mga ginamit na ebidensya.
Kakaharapin ng suspek ang kasong estafa sa ilalim ng Article 315 ng Revised Penal Code at dalawang bilang ng falsification of commercial documents sa ilalim ng Article 172, kaugnay ng Article 171. Isasailalim siya sa inquest proceedings habang patuloy na pinaiigting ng NCRPO ang mga hakbang laban sa mga mapanlinlang na transaksyon.
Hinimok ni NCRPO Regional Director PMGen Anthony A. Aberin ang publiko na maging mapanuri sa mga alok na trabaho at investment, lalo na kung malaking halaga ng pera at financial documents ang sangkot. Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagberipika sa lehitimong transaksyon, pag-iingat ng records, at agarang pag-uulat ng kahina-hinalang gawain sa kapulisan.
Patuloy ang NCRPO sa pagpapaigting sa pagpapatupad ng batas upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng publiko, alinsunod sa paninindigang isulong ang adhikain ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Source: NCRPO (https://www.facebook.com/share/p/1H6D6CCsYX/?mibextid=wwXIfr)



