Arestado ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group-Anti-Organized Crime Unit (CIDG-AOCU) ang isang lalaki na umano’y sangkot sa paggawa ng mga pekeng pasaporte, driver’s license, at iba pang huwad na government documents sa isang operasyon sa Sta. Cruz, Maynila noong Agosto 19, 2026.
Naging panimulang lead ng CIDG ang isang viral YouTube video na inilabas noong Agosto 10 na nagpakita umano ng umano’y madaling pagkuha ng pekeng pasaporte sa Maynila. Agad itong bineripika ng AOCU sa pamamagitan ng masusing validation, surveillance, at intelligence operations na nagresulta sa pagkakakilanlan sa suspek at pagtukoy sa kanyang ilegal na gawain.
Dakong alas-8:30 ng gabi nang isagawa ng mga operatiba ang operasyon sa Barangay 310, Sta. Cruz, kung saan naabutan ang suspek na aktuwal na gumagawa ng mga pekeng kredensyal. Ayon sa ulat kay CIDG Director PMGen Robert AA Morico II, ibinebenta umano ang pekeng Philippine passport sa halagang Php3,500 habang Php1,200 naman ang singil sa pekeng Land Transportation Office (LTO) driver’s license.
Nasamsam sa lugar ang mga pekeng Philippine passport, LTO driver’s license, NBI clearance at iba pang falsified government documents, kasama ang desktop computers, printers, industrial lamination machines at iba’t ibang materyales na ginagamit sa pamemeke ng mga opisyal na dokumento.
Binigyang-diin ni PMGen Morico II na may mabigat na pananagutan sa ilalim ng Republic Act No. 11983 o New Philippine Passport Act ang sinumang sadyang gumagawa, namemeke, kumokopya, nagbabago o nag-iingat ng mga pekeng pasaporte at kaugnay na dokumento. Inihahanda ang pagsasampa ng kaso laban sa suspek para sa paglabag sa RA 11983 at Article 172, kaugnay ng Article 171 ng Revised Penal Code.
Patuloy na paiigtingin ng PNP ang kampanya laban sa mga fixer at sindikatong gumagawa ng pekeng dokumento upang mapangalagaan ang seguridad at integridad ng mga opisyal na pagkakakilanlan at travel documents, alinsunod sa adbokasiya nitong “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Source: CIDG (https://www.facebook.com/share/p/1EcDDeqeVn/?mibextid=wwXIfr)



