Rehiyong Bicol, naka-red alert sa banta ng lahar dulot ng Bagyong Ada

0
700

Nasa red alert status ang buong rehiyon ng Bicol bilang paghahanda sa posibleng pagragasa ng lahar at iba pang panganib na dulot ng paparating na Bagyong Ada.

Agarang nagsagawa ng pre-disaster risk assessment ang Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC), katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan kabilang ang Philippine National Police (PNP), upang tiyakin ang kaligtasan ng mga komunidad.

Partikular na inalerto ng Office of Civil Defense–Region V (OCD-5) ang Albay Provincial Safety and Emergency Management Office at ang lokal na pamahalaan ng Albay hinggil sa mataas na panganib ng lahar flow mula sa Bulkang Mayon, lalo na sa mga low-lying at river-adjacent areas.

Pinayuhan ang mga lokal na pamahalaan na tiyaking ligtas ang mahigit 4,000 evacuees na pansamantalang lumikas dahil sa patuloy na pag-aalboroto ng Bulkang Mayon, kasabay ng mahigpit na pagpapatupad ng mga hakbang laban sa posibleng pagragasa ng lahar dulot ng malalakas na pag-ulan.

Sa mga lugar na kilalang bahain at landslide-prone, inatasan ang mga LGU na magsagawa ng agarang preemptive evacuation upang maiwasan ang pinsala at posibleng pagkawala ng buhay.

Aktibong nakahanda ang PNP sa pagbabantay, traffic management, rescue operations, at seguridad sa mga evacuation centers.

Samantala, inihanda na rin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang kinakailangang relief goods at resources para sa mabilis na pagtugon sa mga maaapektuhan ng kalamidad.

Dahil sa masamang panahon, umabot na sa 1,831 ang stranded na pasahero at 620 rolling cargoes ang apektado sa loob at labas ng iba’t ibang pantalan sa rehiyon matapos ipatigil ng Philippine Coast Guard ang paglalayag ng mga sasakyang pandagat.

Tiniyak ng mga awtoridad na patuloy ang mahigpit na koordinasyon at pagbabantay bilang bahagi ng whole-of-government approach sa disaster preparedness, na layong tiyakin ang kaligtasan at kapakanan ng mamamayan sa gitna ng banta ng bagyo.

Source: https://www.philstar.com/pilipino-star-ngayon/probinsiya/2026/01/16/2501270/bicol-inalerto-sa-lahar-dahil-sa-bagyong-ada