Matagumpay na naaresto ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang isang indibidwal na kabilang sa Regional Top 5 Most Wanted Person (MWP) ng NCR, Top 2 MWP ng Northern Police District (NPD), at Top 1 MWP ng Malabon City Police Station para sa buwan ng Hulyo 2026. Nadakip ang suspek sa Barangay Tikay, Malolos, Bulacan noong Hulyo 10, 2026 sa bisa ng mga umiiral na warrant of arrest.
Isinagawa ang operasyon ng Warrant and Subpoena Section ng Malabon City Police Station na nagresulta sa pagkakahuli sa suspek na nahaharap sa mga kasong Qualified Rape sa ilalim ng Article 266-B ng Revised Penal Code, dalawang bilang ng Statutory Rape, Acts of Lasciviousness sa ilalim ng Article 336 kaugnay ng Section 5(b) ng Republic Act No. 7610, at iba pang paglabag sa naturang batas. Walang inirekomendang piyansa para sa mga kasong Qualified Rape at Statutory Rape, habang itinakda naman ang piyansa sa Php180,000 para sa Acts of Lasciviousness at Php200,000 para sa paglabag sa RA 7610.
Matapos ang maayos at legal na pagpapatupad ng mga warrant, isinailalim ang akusado sa kinakailangang physical examination sa Ospital ng Malabon bago ito dinala sa custodial facility habang hinihintay ang commitment order mula sa hukuman.
Binigyang-diin ni PMGen Anthony A. Aberin, Regional Director ng NCRPO, na ang pagpapatupad ng mga court-issued warrant, lalo na sa mga kasong may kinalaman sa pang-aabuso sa mga bata, ay mahalagang bahagi ng tungkulin ng kapulisan upang mapanatili ang kaayusan at protektahan ang mga biktima. Aniya, “Every successful enforcement of a lawful warrant reinforces public trust that the justice system is functioning as intended. Those charged with grave offenses—particularly crimes involving the abuse of children—must never assume that time or distance will shield them from accountability.”
Ang naturang tagumpay ay patunay ng matatag na pagpapatupad ng PNP Focused Agenda ni Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., PNP Chief, partikular sa pinaigting na kampanya laban sa wanted persons at pangangalaga sa kapakanan ng mga bata. Patuloy ang NCRPO sa paghahatid ng tapat, maagap, at makataong serbisyo alinsunod sa adhikaing “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman,” tungo sa mas ligtas at mapayapang komunidad.
Source: NCRPO



