Rank 5 Regional Most Wanted Person sa kasong rape at qualified sexual assault, arestado ng NCRPO

0
86

Matagumpay na nadakip ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang No. 5 Regional Most Wanted Person sa isinagawang Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation (SACLEO) sa Barangay Parang, Marikina City noong Agosto 1.

Ang 49-anyos na suspek, na isang construction worker, ay inaresto batay sa umiiral na mga warrant of arrest kaugnay ng walong bilang ng Qualified Rape of a Minor, na walang inirekomendang piyansa, at Qualified Sexual Assault, na may inirekomendang piyansang Php200,000.

Matapos ang pag-aresto, isinailalim ang akusado sa standard physical at medical examination sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center bago siya dinala sa custodial facility ng Marikina City Police Station para sa wastong dokumentasyon at kaukulang disposisyon.

Ayon kay NCRPO Regional Director PMGen Anthony A. Aberin, nananatiling mahigpit ang pagpapatupad ng mga operasyon sa paghahanap at pagdakip sa mga wanted person upang matiyak na maihaharap sila sa hukuman. Binigyang-diin din niya na walang sinumang gumagawa ng karumal-dumal na krimen, lalo na laban sa mga bata, ang makaliligtas sa kamay ng batas at sa pananagutan sa ilalim ng umiiral na batas.

Ang pagkakadakip sa suspek ay bahagi ng pagpapatupad ng Focused Agenda ng Philippine National Police, partikular sa pinaigting na kampanya laban sa mga pugante at sa patuloy na pangangalaga sa mga bata at iba pang vulnerable sectors laban sa mabibigat na krimen.

Patuloy na hinihikayat ng NCRPO ang publiko na makipagtulungan sa kapulisan sa pagbibigay ng impormasyon laban sa mga wanted person at iba pang lumalabag sa batas upang higit pang mapalakas ang kapayapaan at kaayusan sa Metro Manila.

Leave a Reply