Bilang bahagi ng pagdiriwang ng 31st Police Community Relations (PCR) Month, matagumpay na nagsagawa ang Nueva Vizcaya Police Provincial Office (NVPPO) ng 3rd Quarter Blood Donation Drive noong Hulyo 31, 2026 sa Acosta Hall, Camp Major Saturnino L. Dumlao, Brgy. District IV, Bayombong, Nueva Vizcaya.
Pinangunahan ni PCol Paul T. Bometivo, Provincial Director, ang makabuluhang aktibidad na nagsilbi ring pagdiriwang ng kanyang kaarawan sa pamamagitan ng pagbibigay-buhay sa kapwa sa halip na isang tradisyunal na selebrasyon. Isinagawa ang blood donation drive sa pakikipagtulungan ng Nueva Vizcaya Provincial Hospital, sa pangunguna ni Mr. Allen Jeremy Madiam, Medical Technologist I, kasama ang mga personnel mula sa iba’t ibang Municipal Police Stations, Provincial Mobile Force Companies, at Provincial Headquarters.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni PCol Bometivo na ang tunay na paglilingkod ay nasusukat sa kakayahang makapagligtas ng buhay at makatulong sa kapwa. Nagpasalamat din siya sa lahat ng mga donor at partner agencies na nakiisa sa programa, na aniya’y nagsisilbing mahalagang ambag sa patuloy na pagsagip ng buhay ng mga pasyenteng nangangailangan ng dugo.
Sa kabuuan, 35 bags ng dugo o humigit-kumulang 15,750 cubic centimeters (cc) ang nakolekta sa naturang aktibidad.
Layunin ng programa na mapanatili ang sapat na suplay ng dugo para sa mga nangangailangang pasyente, kasabay ng pagpapatibay ng kultura ng boluntaryong pagbibigay ng dugo at ng malasakit sa kapwa, bilang patunay na ang paglilingkod ng kapulisan ay hindi lamang sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan kundi maging sa pangangalaga ng buhay ng bawat mamamayan.
Source: PNP Nueva Vizcaya PPO



