Rank 5 Provincial MWP ng Aklan sa kasong paglabag sa R.A. 9165, arestado sa Quezon City

0
163
Screenshot

Naaresto ng Police Regional Office 6 (PRO6) sa Quezon City ang isang lalaking kabilang sa Top 5 Most Wanted Person (MWP) ng Aklan sa isinagawang manhunt operation dakong alas 5:41 ng hapon noong Setyembre 3, 2026.

Kinilala ang akusado sa alyas na “Mik,” 46 anyos, at residente ng Barangay Doña Imelda, Quezon City. Siya ay naaresto sa Unang Hakbang Street corner Luzon Avenue, Brgy. San Isidro, Galas, Quezon City.

Isinagawa ang pag-aresto sa bisa ng Warrant of Arrest para sa paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Ang warrant ay inilabas noong Agosto 25, 2026 ng Regional Trial Court, Sixth Judicial Region, Branch 1, Kalibo, Aklan, na walang inirekomendang piyansa para sa pansamantalang paglaya ng akusado.

Pinangunahan ng 1st Aklan Provincial Mobile Force Company (PMFC) ang operasyon, katuwang ang Regional Intelligence Unit 6 (RIU6) Provincial Intelligence Team-Aklan, Police Station 11–Galas Police Station, at Batan Municipal Police Station (MPS).

Matapos ang pag-aresto, dinala ang akusado sa Police Station 11–Galas Police Station para sa dokumentasyon at pansamantalang kustodiya bago ang kaukulang proseso para sa kanyang pagharap sa korte na may hurisdiksyon sa kaso.

Ayon kay Police Brigadier General Randulf T Tuaño, Regional Director ng Police Regional Office 6 (PRO6), ipinapakita ng matagumpay na operasyon ang halaga ng tuloy-tuloy na intelligence gathering at koordinasyon sa pagitan ng mga police units sa pagtugis sa mga wanted person na nakabatay sa adhikain ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong mabilis, tapat, at nararamdaman.”

“Hindi hadlang ang distansya sa pagpapatupad ng batas. Sa pamamagitan ng matibay na koordinasyon at intelligence-driven operations, patuloy nating matutunton ang mga wanted person saan man sila magtago at maihaharap sila sa hustisya. Walang ligtas na kanlungan para sa sinumang nagtatangkang umiwas sa pananagutan sa batas,” ani PBGen Tuaño.

Source: https://www.facebook.com/share/p/18HsmYBWxM/?mibextid=wwXIfr

Leave a Reply