Rank 4 Regional Most Wanted Person sa kasong rape, arestado sa Liliw, Laguna

0
735

Patuloy na pinatutunayan ng Police Regional Office 5 (PRO5) ang walang humpay nitong kampanya laban sa kriminalidad matapos maaresto ang Top 4 Regional Most Wanted Person ng Bicol Region sa isinagawang joint operation sa Liliw, Laguna noong Hulyo 16, 2026, bandang 11:20 ng umaga.

Naisakatuparan ang operasyon sa pamamagitan ng magkatuwang na puwersa ng mga tauhan ng Casiguran Municipal Police Station, Provincial Intelligence Unit ng Sorsogon Police Provincial Office, Regional Intelligence Unit 5, at Liliw Municipal Police Station sa ilalim ng Laguna Police Provincial Office.

Kinilala ang suspek sa alyas na “Dan,” residente ng Casiguran, Sorsogon.Inaresto ito sa bisa ng mga Warrant of Arrest na inilabas ng Regional Trial Court, Branch 12, Sorsogon City noong Hunyo 24, 2026. Nahaharap naman ang suspek sa kasong rape by sexual assault at statutory rape.

Ipinapakita ng matagumpay na pagdakip sa wanted person  ang matatag na paninindigan ng PRO5 na tugisin ang mga pinaghahanap ng batas saanman sila magtago. Patunay rin ito na hindi hadlang ang hangganan ng mga rehiyon upang maihatid sa hustisya ang mga nagkasala.

Pinuri naman ni PBGen Erosito N Miranda, Regional Director ng PRO 5, ang mga operatibang nagpatupad ng operasyon dahil sa kanilang dedikasyon, propesyonalismo, at mahusay na koordinasyon.

Dagdag pa niya, patuloy pang paiigtingin ng PRO5 ang kampanya laban sa kriminalidad alinsunod sa Focused Agenda ng Philippine National Police sa pagpapatibay ng law enforcement at crime prevention. Aniya, habang patuloy nating pinalalakas ang ating kampanya laban sa kriminalidad, nananatili tayong nakatuon sa pagbibigay sa bawat Pilipino ng Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman sa pamamagitan ng maagap, propesyonal, at may pananagutang pagpapatupad ng batas.

Panulat ni PCpl Doxie Charesse C Casasos

Leave a Reply