Sa kulungan ang bagsak ng isang 55-anyos na lalaki matapos itong arestuhin ng mga operatiba ng Police Regional Office 5 (PRO5) noong Mayo 20, 2026 sa bayan ng Silang, Cavite.
Ayon sa ulat, dakong 8:30 ng gabi nang magsagawa ng joint operation ang mga tauhan ng Trece Martires Component City Police Station katuwang ang Goa Municipal Police Station para ipatupad ang warrant of arrest laban sa suspek na Rank No. 2 Most Wanted Person ng Goa MPS ng Camarines Sur Police Provincial Office.
Kinilala ang akusado sa alyas na “Angelo,” residente ng Cavite. Nahaharap siya sa dalawang bilang ng kasong rape na walang inirekomendang piyansa.
Samantala, muling pinagtibay ng PRO5 ang maigting na kampanya laban sa mga wanted person at mga lumalabag sa batas. Hindi hadlang ang pagtatago ng mga akusado upang makaiwas sa pananagutan, lalo na sa mga kasong may kinalaman sa pang-aabuso at karahasan laban sa kababaihan at kabataan.
Alinsunod sa PNP Focused Agenda partikular na sa Enhanced Managing Police Operations, patuloy na tinutukan ng PRO5 sa ilalim ng pamumuno ni PBGen Erosito N Miranda, Regional Director, ang pagpapaigting ng parehong mga operasyon upang mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa komunidad, kasabay ng pagbibigay ng mabilis, tapat, at nararamdamang serbisyo para sa publiko.



