Arestado ang tinaguriang Rank 10 Regional Most Wanted Person na nahaharap sa kasong murder kaugnay ng pagpatay sa isang negosyante at may-ari ng salon na kilala sa alyas na “Ren,” sa isinagawang manhunt operation sa Purok Pandian, Brgy. Labangal, General Santos City noong Oktubre 13, 2026.
Ayon kay Police Brigadier General Alan B Manibog, Regional Director ng Police Regional Office 12 (PRO12), pinangunahan ng Criminal Investigation and Detection Group 12–Sarangani Provincial Field Unit ang operasyon, katuwang ang Malapatan Municipal Police Station, Regional Intelligence Unit 12, Police Station 1 ng General Santos City Police Office, 1st Special Purpose Mobile Force Company, Provincial Intelligence Unit ng Sarangani Police Provincial Office, at Sarangani Maritime Police Station.
Kinilala ang naarestong suspek sa alyas na “Pito,” 34 anyos, residente ng nasabing lugar na dinakip sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong murder na walang inirekomendang piyansa.
Ayon sa imbestigasyon, ang suspek ang nasa likod ng pamamaril ng biktima sa loob ng kaniyang salon sa RD Plaza Mall sa kahabaan ng Daproza Avenue, Brgy. Dadiangas West, General Santos City noong Enero 15, 2025 dakong 6:55 ng gabi.
Nauna nang naaresto ng mga awtoridad ang isa pang suspek na kinilala lamang sa alyas na “Jack,” na umano’y nagsilbing lookout sa insidente at naiulat na tumulong sa mga imbestigador sa pagtukoy sa iba pang posibleng sangkot sa krimen.
Patuloy ang PRO12 sa paghahanap sa mga taong may sala sa batas upang mapanatili ang kaayusan at katahimikan sa rehiyon na napapaloob sa layunin ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Source link: https://www.facebook.com/share/p/1FpDhqFpVo/

