Arestado ang isang 21 anyos na wanted person na kabilang sa Nationwide Rank 10 Most Wanted Person ng Highway Patrol Group (HPG) noong Setyembre 8, 2026 sa Brgy. Mabuslo, Bambang, Nueva Vizcaya. Kinilala ang suspek sa alyas “Balong,” residente ng nasabing lugar, at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 10883 o New Anti-Carnapping Act of 2016.
Pinangunahan ng Nueva Vizcaya Provincial Highway Patrol Team, sa pangunguna ni PLt Julius U. Comahling at sa ilalim ng pangangasiwa ni PCpt Roy L. Bonus, ang operasyon katuwang ang mga tauhan ng Bambang Police Station. Sa pamamagitan ng pinaigting na intelligence-gathering at surveillance operations, matagumpay na natunton at naaresto ang wanted person.
Isinagawa ang pag-aresto batay sa warrant of arrest na inisyu ng Regional Trial Court, Second Judicial Region, Branch 37, Bayombong, Nueva Vizcaya, na may inirekomendang piyansa na Php300,000 para sa pansamantalang kalayaan.
Ipinaalam sa suspek ang kanyang mga karapatan sa wikang kanyang nauunawaan, gayundin ang dahilan ng kanyang pagkakaaresto. Nasa kustodiya na siya ng Nueva Vizcaya Provincial Highway Patrol Team para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.
Patuloy namang pinaiigting ng HPG at mga katuwang nitong yunit ang intelligence operations at pagpapatupad ng mga warrant of arrest laban sa mga wanted person upang mapanatili ang kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng mga mamamayan, alinsunod sa adhikain ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Source: Nueva Vizcaya Provincial Highway Patrol Team
Panulat ni Pat Leinee C Lorenzo

