Patuloy na pinaiigting ng Bacolod City Police Office (BCPO) ang kampanya laban sa ilegal na droga matapos ang magkasunod na buy-bust operations noong Setyembre 8, 2026, na nagresulta sa pagkakaaresto sa tatlong indibidwal at pagkakakumpiska ng kabuuang tinatayang Php 1,088,000 halaga ng hinihinalang shabu.
Sa unang operasyon, dakong alas 10:00 ng gabi sa Purok Magtiayon, Brgy. 10, Bacolod City, matagumpay na naaresto ng City Drug Enforcement Unit ang isang 33-anyos na lalaki na kinilala sa alyas na “Dan.” Nakumpiska mula sa kanya ang walong heat-sealed sachet at isang knot-tied transparent plastic bag na naglalaman ng hinihinalang shabu, na may tinatayang standard drug price na Php1,020,000, bukod sa buy-bust money at iba pang non-drug items.
Samantala, dakong alas 9:02 ng gabi, nagsagawa rin ng buy-bust operation ang mga drug enforcement operatives ng Police Station 7 sa Progreso Village 1, Barangay Vista Alegre, na nagresulta sa pagkakaaresto sa dalawang lalaki na sina alyas “Tongtong,” 32-anyos, at alyas “Ferdi,” 25-anyos. Labindalawang sachet ng hinihinalang shabu, marked money, karagdagang cash at coin pouch ang nakumpiska, na may tinatayang halaga na Php68,000
Ayon kay PCol Eugen N Rebadomia, City Director ng BCPO, ang mga matagumpay na operasyon ay patunay ng patuloy na determinasyon ng kapulisan na sugpuin ang ilegal na droga at protektahan ang mga komunidad laban sa mga panganib na dulot nito. Layunin ng mga operasyong ito na putulin ang daloy ng ilegal na droga sa lungsod, mapanagot ang mga sangkot, at mapanatili ang isang ligtas at payapang Bacolod City.
Ang mga suspek ay nasa kustodiya na ng pulisya at nahaharap sa kaukulang kaso dahil sa paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Patuloy na mananatiling nakatutok ang Philippine National Police sa pagpapanatili ng ligtas at mapayapang pamayanan, sa pamamagitan ng maagap na pagkilos, tapat na pagpapatupad ng batas, at serbisyong tunay na nararamdaman ng bawat mamamayan kaakibat ng adhikaing “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman.”
Panulat ni Pat Andrea Dominique Depalubos
Source: https://www.facebook.com/share/p/19DC1vkj7g/

