PSSg Miraña, ginawaran ng Medalya ng Sugatang Magiting ng San Jose MPS  sa katapangan at kabayanihan sa pagtupad sa tungkulin

0
214

Noong Agosto 24, 2026, kinilala ang katapangan at kabayanihan ni PSSg Noli M. Miraña ng San Jose Municipal Police Station, Camarines Sur Police Provincial Office, matapos siyang gawaran ng Medalya ng Sugatang Magiting dahil sa kanyang kagitingan habang ginagampanan ang tungkulin.

Personal siyang binisita ni Deputy Regional Director for Administration PBGen Ronaldo I. Fulo, na kumatawan kay PBGen Erosito N. Miranda, Regional Director ng Police Regional Office 5 sa Bicol Medical Center, Naga City.

Matatandaang nasugatan si PSSg Miraña noong Agosto 22, 2026 habang rumeresponde sa isang insidente sa Barangay Calalahan, San Jose, Camarines Sur. Sinusubukan pa umano niyang makipag-usap at mahinahong lutasin ang sitwasyon, ngunit bigla na lang siyang inatake ng suspek gamit ang bolo na nagresulta sa pagkakaputol ng kanyang kaliwang kamay.

Sa kabila ng panganib sa kanyang buhay, ipinakita ni PSSg Miraña ang pambihirang tapang, presensya ng isip, at matatag na paninindigan sa kanyang sinumpaang tungkulin. Dahil sa kanyang mabilis at matapang na pagtugon, nabigyan ng pagkakataon ang kanyang mga kasamahan na agad makialam at mapigilan ang suspek na makapaminsala pa sa iba.

Matapos ang matagumpay na operasyon upang muling ikabit ang kanyang naputol na kamay, kasalukuyang inoobserbahan ang kanyang kalagayan at ginagamot sa Bicol Medical Center.

Sa pagbisita, personal na ipinaabot ni PBGen Fulo ang suporta, pagpapahalaga at panalangin ng buong PRO5 kay PSSg Miraña at sa kanyang pamilya. Binigyang-diin niya na ang kanyang sakripisyo ay nagsisilbing inspirasyon sa mga kapwa pulis at patunay sa katapangan ng mga lingkod-bayan na handang humarap sa panganib para sa kapayapaan, kaayusan at kaligtasan ng publiko. Ang kanyang kabayanihan ay tunay na sumasalamin sa diwa ng PNP—ang maglingkod at magprotekta ng walang anumang kapalit.

Panulat ni PCpl Doxie Charesse C Casasos

Source: https://www.facebook.com/share/p/19CVEKTGyt/

Leave a Reply