“Project BE A SEMPS Scholar,” nabakpagpatapos ng dalawang SEMPS scholars

0
51

Isang panibagong tagumpay ang buong pagmamalaking ipinagdiriwang ng Sta. Elena Municipal Police Station SEMPS sa pamumuno ni PCpt Noel M Arimado, sa matagumpay na pagtatapos ng dalawang iskolar sa ilalim ng programang “Project BE A SEMPS Scholar”—isang inisyatibang naglalayong suportahan ang mga karapat-dapat at masisipag na kabataan upang makamit ang kanilang mga pangarap sa pamamagitan ng edukasyon.

Mula nang ilunsad noong Mayo 2018, ang nasabing programa ay naging daan upang mabigyan ng pinansyal at moral na suporta ang mga estudyanteng may mataas na potensyal sa akademya, mabuting pag-uugali, at hangaring makapaglingkod sa kanilang komunidad.

Sa tulong ng sama-samang pagsisikap ng Sta. Elena Municipal Police Station (SEMPS) personnel, Municipal Advisory Group (MAG), Sta. Elena (Camarines Norte) College, Inc. – College of Criminal Justice Education, at ng Lokal na Pamahalaan ng Sta. Elena sa pangunguna ni Mayor Bernardina E. Borja, patuloy na nagiging instrumento ang programa sa paghubog ng mga kabataang magiging katuwang sa pag-unlad ng bayan.

Noong Hunyo 16, 2026, inanunsyo ng Sta. Elena MPS ang pagtatapos ng kanilang dalawang opisyal na iskolar para sa Academic Year 2022–2026.

Nanguna rito si Ms. Mariel O. Alcazar, residente ng Brgy. San Lorenzo, Sta. Elena, Camarines Norte, na nagtapos ng kursong Bachelor of Science in Criminology bilang Cum Laude. Ang kanyang natamong karangalan ay bunga ng walang sawang pagsisikap, tiyaga, at dedikasyon sa pag-aaral.

Kasabay nito, matagumpay ring nagtapos si Mr. Wilmar V. Acuña, residente ng Brgy. San Vicente, Sta. Elena, Camarines Norte, ng kursong Bachelor of Science in Criminology. Sa kabila ng mga hamon na kanyang hinarap, ipinakita niya ang matibay na determinasyon at pagpupursige upang makamit ang kanyang mithiin at makatapos ng kolehiyo.

Ang pagtatapos nina Alcazar at Acuña ay patunay ng positibong epekto ng SEMPS Scholarship Program sa buhay ng mga kabataan. Higit pa rito, ipinagpapatuloy nila ang magandang pamana ng kauna-unahang iskolar ng programa na si Mr. Vien Louise E. Rebosano, na nagtapos noong 2022 at kalaunan ay naging bahagi ng Philippine National Police Public Safety Basic Recruit Course Class of 2024 “SIKLAHIB.”

Patuloy na magsisilbing inspirasyon ang Project “BE A SEMPS Scholar” sa paglikha ng mas maraming oportunidad para sa kabataan at sa paghubog ng mga responsableng mamamayan na magiging katuwang sa pagbuo ng isang mas ligtas, maunlad, at progresibong komunidad alinsunod sa mga adhikain ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Panulat ni: PCpl Doxie Charesse C Casasos

Leave a Reply