Bagong Obstacle Course ng 1st Cagayan PMFC, pinasinayaan

0
25

Pinasinayaan at binasbasan ng 1st Cagayan Provincial Mobile Force Company (PMFC) ang bagong Obstacle Course na may temang “Build for Service, Trained for Action” noong Hunyo 15, 2026 sa Camp Tirso H. Gador, Tuguegarao City.

Itinayo ang pasilidad bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap na mapalakas ang pisikal na kakayahan, disiplina, at kahandaan ng mga tauhan sa pagtugon sa iba’t ibang hamon sa serbisyo at operasyon.

Pinangunahan ni PBGen Mariano C. Rodriguez, Regional Director ng Police Regional Office 2, kasama si PCol Mardito G. Anguluan, Provincial Director ng Cagayan Police Provincial Office (PPO), ang pagpapasinaya ng nasabing pasilidad. Dinaluhan din ito ng mga opisyal at hepe ng iba’t ibang himpilan ng pulisya sa lalawigan bilang pagpapakita ng suporta sa mga programang naglalayong higit pang paunlarin ang kakayahan at kahandaan ng kapulisan.

Matapos ang blessing at ribbon-cutting ceremony, isinagawa ang demonstrasyon ng iba’t ibang obstacle gaya ng Tarzan Swing, Low Crawl, Slide for Life, Monkey Bars, Jacob’s Ladder, Commando Crawl, Rope Climb, at iba pa. Ipinakita ng mga pagsubok na ito ang kahalagahan ng pasilidad sa pagpapaigting ng operational readiness at paghubog ng lakas, tibay, liksi, at kakayahang kumilos ng mga personnel sa ilalim ng iba’t ibang sitwasyon.

Magsisilbi ang bagong Obstacle Course bilang mahalagang training facility para sa physical conditioning at tactical training ng mga pulis. Sa pamamagitan nito, layunin ng 1st Cagayan PMFC na higit pang mapahusay ang kahandaan ng mga tauhan sa pagsasagawa ng mga operasyon, disaster response, at iba pang tungkulin, bilang pagsuporta sa adhikaing “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Source: 1st Cagayan PMFC

Leave a Reply