Halos Php1M halaga ng expired at tampered na mga produkto, nasabat ng NCRPO sa Quiapo; 5 vendors, arestado

0
129

Arestado ang limang indibidwal matapos maaktuhang nagbebenta ng mga expired na pagkain at iba pang produkto, kabilang ang mga produktong may binagong expiration date, sa isinagawang operasyon ng mga operatiba ng National Capital Region Police Office sa kahabaan ng Villalobos Street kanto ng Palanca Street, Barangay 386, Quiapo, Manila noong gabi ng Hunyo 16, 2026.

Ayon kay Police Major General Anthony A Aberin, Regional Director ng NCRPO, ang operasyon ay batay sa ulat, surveillance at validation ng mga operatiba ng Special Mayor’s Reaction Team (S.Ma.R.T.), sa pakikipag-ugnayan sa mga tauhan ng Plaza Miranda Police Community Precinct ng Manila Police District.

Sa masusing pagsusuri sa mga produktong ibinebenta, natuklasan ng mga operatiba na ang ilan sa mga ito ay may binago o tampered na expiration dates upang magmukhang ligtas para sa konsumo o paggamit kaya naaresto ng mga awtoridad ang tatlong lalaki at dalawang babaeng suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 7394 o Consumer Act of the Philippines at Republic Act No. 10611 o Food Safety Act of 2013

Nakumpiska sa operasyon ang sari-saring expired na pagkain at iba pang merchandise na may tinatayang halagang Php950,000, gayundin ang tatlong piraso ng tampering devices na pinaniniwalaang ginagamit sa pagbabago ng mga expiration markings ng mga produkto.

“Walang puwang sa Metro Manila ang mga kumikita sa panlilinlang at naglalagay sa panganib sa kalusugan at kaligtasan ng publiko. Ang pagkakasabat sa halos Php1 milyong halaga ng mga expired at tinamper na produkto sa Quiapo ay malinaw na babala na mahigpit nating ipatutupad ang batas at pananagutin ang sinumang magsasamantala sa kapakanan ng mamamayan.” ani ni RD Aberin.

Leave a Reply