Bilang bahagi ng patuloy na pagsusulong ng kahandaan at katatagan sa panahon ng kalamidad, nakiisa ang Police Regional Office 5 (PRO5), sa ilalim ng pamumuno ni PBGen Randy Glenn G Silvio, Regional Director, sa 4th Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) na isinagawa noong Nobyembre 5, 2026, sa Regional Headquarters ng PRO 5, Camp BGen Simeon A. Ola, Legazpi City, Albay.
Layunin ng aktibidad na mapalawak ang kaalaman, kahandaan, at kakayahan ng mga tauhan sa wastong pagtugon sa mga emergency na dulot ng lindol, gayundin ang pagsusulong ng kultura ng kaligtasan at sama-samang pananagutan sa panahon ng sakuna.
Aktibong lumahok sa naturang aktibidad ang mga tauhan ng Regional Headquarters at mga tanggapang nakabase sa kampo bilang pagpapakita ng kanilang pagkakaisa at dedikasyon sa pagpapatibay ng kahandaan sa kalamidad. Bilang bahagi ng drill, isinagawa ng mga kalahok ang mahalagang safety procedure na “Duck, Cover, and Hold” o ang tamang pagyuko, pagtatakip, at mahigpit na pagkapit upang maprotektahan ang sarili habang lumilindol. Isinakatuparan din ang mga simulated emergency scenario ng mga nasugatan dahil sa lindol, rescue operations, at mga paunang hakbang sa pagtugon sa emergency upang masubok at mapahusay ang kanilang kakayahan, koordinasyon, at kahandaan sa aktuwal na sitwasyon.
Binigyang-diin ni PBGen Silvio na ang kahandaan sa anumang kalamidad ay hindi lamang nakasalalay sa kaalaman sa mga pamamaraang pangkaligtasan, kundi higit sa lahat sa kakayahang kumilos nang tama, mabilis, at maayos sa oras ng pangangailangan.
Aniya, sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na pagsasanay at aktibong pakikilahok sa mga gawaing pangkahandaan tulad ng NSED, higit na napalalakas ang kakayahan ng bawat tauhan na protektahan ang kanilang sarili, mga kasamahan, at mga komunidad na kanilang pinaglilingkuran. Binigyang-diin din niya na responsibilidad ng bawat isa ang pagiging handa dahil mahalaga ang bawat segundo sa pagliligtas ng buhay.
Sa pamamagitan ng naturang aktibidad, muling pinagtitibay ng PRO5 na palakasin ang kahandaan sa sakuna, kaligtasan ng mga tauhan, at kahusayan sa pagtugon sa mga emergency. Kinikilala ng kapulisan na ang isang disiplinado, alerto, at handang puwersa ay higit na may kakayahang magbigay ng agarang tulong at proteksyon sa publiko, lalo na sa mga hindi inaasahang kalamidad.
Patuloy namang isinusulong ng PRO5 ang adhikain ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman,” tungo sa isang ligtas at matatag na Bicol Region.
Panulat ni PCpl Doxie Charesse C Casasos
Source: https://www.facebook.com/share/p/182nCR5QXz/

