Matagumpay na naaresto ng mga operatiba ng Police Regional Office 3 (PRO3) ang lahat ng sampung Regional Most Wanted Persons para sa buwan ng Nobyembre 2026 sa magkakahiwalay na operasyon sa iba’t ibang bahagi ng Central Luzon sa unang apat na araw ng buwan.
Kabilang sa mga naarestong indibidwal ang mga may kinakaharap na kasong may kaugnayan sa rape, habang ang iba naman ay nahaharap sa iba pang mabibigat na mga krimen.
Ayon pa ni PBGen Jess B Mendez, Regional Director ng PRO3, inatasan nitong ipagpatuloy ang pinaigting na mga operasyon kaugnay sa pagpapatupad ng mga nakabinbing warrant of arrest, lalo na sa mga indibidwal na may kinakaharap na mabibigat na mga kaso.
“Our job does not end with identifying wanted persons. We have to locate them, serve the warrants, and bring them before the courts. That is what we expect from every police unit (Hindi nagtatapos ang ating trabaho sa pagtukoy lamang sa mga taong pinaghahanap ng batas. Kailangan natin silang hanapin, ipatupad ang mga warrant, at iharap sila sa korte. Iyan ang inaasahan natin mula sa bawat yunit ng pulisya),” saad pa ni PBGen Mendez.
Habang ang korte ang nagdedesisyon kung may sala ba o inosente ang naarestong mga indibidwal, binigyang-diin ng PRO3 ang mabilis na pagsisilbi ng nasabing mga arrest warrant bilang bahagi ng kanilang layunin na ipatupad ang batas at siguraduhing umuusad ang hustisya para sa lahat, na naaayon sa adbokasiya ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Source: https://www.facebook.com/share/p/1FHTfYVvQn/?mibextid=wwXIfr

