PRO2 at DAR, lumagda sa Memorandum of Partnership para palakasin ang mga programa para sa mga benepisyaryo ng agrarian reform

0
48

Pormal na pumirma ng Memorandum of Partnership (MOP) ang pamunuan ng Police Regional Office 2 (PRO2) at ang Department of Agrarian Reform Regional Office 2 (DAR-RO2) para sa pagpapalakas ng mga programang may kaugnayan sa pagpapatibay ng kakayahan ng mga lokal na magsasaka na ligtas na dalhin ang kanilang mga produkto, kabilang na rito ang mga government personnel, noong November 5, 2026 sa Camp Marcelo A Adduru, Tuguegarao City.

Inilunsad ang naturang MOP Signing kasabay ng “Valley Crops for Valley Cops Market Day and Trade Check Activity”, kung saan sama-samang pinagtibay ng dalawang ahensya ang pagkakaroon ng pangmatagalang market outlet para sa mga produkto ng mga Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) at ng mga Agrarian Reform Beneficiaries Organizations o ARBOs.

Pinirmahan ang naturang ugnayan ni PBGen Mariano C Rodriguez, PRO2 Regional Director, at si DAR RO2 Regional Director Primo C. Lara, na parehong binigyang-diin ang kahalagahan ng naturang kasunduan para sa mga magsasaka at sa mga tauhan ng PRO2.

Sa ilalim ng nasabing kasunduan, magkatuwang ang dalawang ahensya para sa paglulunsad ng “Valley Crops for Valley Cops Market Day” dalawang beses kada buwan sa loob mismo ng PRO2 Regional Headquarters. Pinangunahan naman ng DAR RO ang partisipasyon ng mga ARBOs, para masiguro ang masaganang pagdadala ng de-kalidad at masustansyang mga produkto. Tutulong naman ang PRO2 sa pagbibigay ng mga logistical support at iba pang mga kinakailangang materyales para sa regular na aktibidad.

Bahagi ang programa sa patuloy na pagpapatupad ng pamahalaan ng iba’t ibang mga hakbang para mapagtibay ang larangan ng agrikultura sa bansa, maging ang maayos na pagbebenta ng mga small-scale farmers, partikular na ang mga agrarian reform beneficiaries, ng kanilang mga produkto. Bahagi rin ito ng layunin ng Partnership Against Hunger and Poverty (PAHP), na tiyakin ang progresibong pagbabago, pagkakaroon ng sapat na supply ng pagkain at paglaban sa kahirapan sa mga komunidad.

Nakiisa sa aktibidad sina Undersecretary Josef Angelo S. Martires ng DAR Support Services Office; Governor Edgar “Tatay Egay” B. Aglipay ng Province of Cagayan, na nirepresenta ni Senior Consultant Joan Dunuan; Assistant Secretary for Special Concerns Office PBGen Rodolfo D. Castil Jr.; Ma. Susan S. Gambalan, Senior Agrarian Reform Program Officer at National Coordinator of the Partnership Against Hunger and Poverty; mga miyembro ng PRO2 Command Group, kasama ang iba pang mga opisyal at tauhan ng dalawang ahensya.

Alinsunod sa adbokasiya ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman,” patuloy ang PRO2 sa paglulunsad ng parehong mga kasunduan at ugnayan katuwang ang iba pang mga ahensya ng pamahalaan upang tiyakin hindi lamang ang kaligtasan ng publiko kundi maging ang kapayapaan at progreso, partikular na sa pagkakaroon ng sapat at de-kalidad na supply ng pagkain ng buong komunidad.

Source: https://www.facebook.com/share/p/1FQKJfVZ5X/?mibextid=wwXIfr

Leave a Reply