Agad na kumilos ang Police Regional Office 5 (PRO5) upang suportahan ang mga operasyon sa paglilikas matapos ang pagsabog ng Bulkang Mayon noong October 30, 2026. Sa ilalim ng pamumuno ni PBGen Randy Glenn G Silvio, Regional Director, nakikipagtulungan ang kapulisan sa mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang kaligtasan ng mga residenteng apektado ng pag-aalburoto ng bulkan at maiwasan ang anumang panganib sa kanilang buhay.
Sa Tabaco City, kaagad na nakipag-ugnayan ang Tabaco City Police Station sa City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) upang pangasiwaan ang sapilitang paglilikas ng mga residente mula sa mga Brgy. Buang, Oson, Buhian, Magapo at Sitio Nagsipit sa Brgy. Maririroc. Ang mga nasabing lugar ay kabilang sa loob ng anim na kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ) na itinuturing na mapanganib sa panahon ng aktibidad ng bulkan.
Aktibong tumutulong ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) sa maayos at ligtas na paglilipat ng mga residente patungo sa mga itinalagang evacuation centers. Bukod dito, sinisiguro rin ng mga pulis ang pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan habang nagbibigay ng kinakailangang tulong sa mga pamilyang apektado, lalo na sa mga bata, nakatatanda, buntis at iba pang nangangailangan ng espesyal na atensyon. Nakaalerto rin ang mga KASUROG Disaster Emergency Assistance Response (DEAR) Teams ng PRO 5 upang agad na makapagbigay ng karagdagang suporta sa mga operasyon ng pagtugon sa sakuna.
Kaugnay nito, nananawagan ang PRO5 sa lahat ng residenteng naninirahan sa loob ng danger zone na makipagtulungan sa mga awtoridad, sumunod agad sa mga kautusan ng sapilitang paglikas at huwag balewalain ang mga babala hinggil sa aktibidad ng Bulkang Mayon. Binigyang-diin ng kapulisan na higit na mahalaga ang kaligtasan ng bawat isa, kaya hinihikayat ang publiko na manatiling mapagmatyag at unahin ang pangangalaga sa buhay at kapakanan ng kanilang pamilya.
Source: https://www.facebook.com/share/p/1KjKB5GWLn/
Panulat ni: PCpl Doxie Charesse C Casasos

