Camarines Sur PNP, naghatid ng agarang tulong sa 21 sugatan sa aksidente sa Tinambac

0
82

Agad na sumaklolo ang Camarines Sur Police Provincial Office (PPO), sa pamamagitan ng Tinambac Municipal Police Station (MPS), upang magbigay ng kinakailangang police assistance at agad na nagsagawa ng imbestigasyon matapos maaksidente ang isang pampasaherong jitney sa Pasusuhan Bridge, Brgy. Binalay, Tinambac, Camarines Sur, dakong 2:20 ng hapon noong Oktubre 31, 2026. Dalawampung pasahero at 32-anyos na drayber ng sasakyan ang nasugatan sa insidente.

Batay sa paunang imbestigasyon, binabagtas ng isang Isuzu passenger jitney na may rutang Naga–Tinambac–Siruma nang biglang pumutok ang kaliwang gulong nito sa likurang bahagi. Dahil dito, nawalan ng kontrol ang drayber ng sasakyan at nag-swerve bago tuluyang tumagilid. Nagresulta ito sa pagkakasugat ng lahat ng 21 kataong sakay ng jitney.

Agad na nagsagawa ng paunang imbestigasyon at nagbigay ng kinakailangang tulong ang mga kapulisan ng Tinambac MPS. Samantala, mabilis na sumaklolo ang mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at isinugod sa Tinambac Municipal Hospital ang lahat ng nasugatan upang mabigyan sila ng agarang atensiyong medikal. Isinailalim din sa teknikal na inspeksiyon ang sasakyan at kasalukuyang nasa pansamantalang kustodiya ng Tinambac MPS habang inaalam ang kaukulang disposisyon nito. Patuloy rin ang pagtukoy sa kabuuang halaga ng pinsala.

Binigyang-diin ni PCol Tyrone R. Dotimas, Provincial Director ng Camarines Sur PPO, ang kahalagahan ng maagap na pagtugon ng kapulisan sa mga insidenteng nangangailangan ng agarang tulong at pagtiyak sa kaligtasan ng publiko. Hinikayat din niya ang mga motorista at operator ng pampublikong transportasyon na regular na suriin at tiyaking nasa maayos na kondisyon ang kanilang mga sasakyan, lalo na ang mga gulong, preno, at iba pang mahahalagang mekanikal na bahagi. Sa pamamagitan ng wastong pagpapanatili ng sasakyan at pagsunod sa mga pamantayan sa kaligtasan sa kalsada, maiiwasan ang mga aksidenteng maaaring magbanta sa buhay ng mga pasahero at iba pang gumagamit ng lansangan.

Source: https://www.facebook.com/share/p/1Dbnv8tnzf/

Panulat ni: PCpl Doxie Charesse C Casasos

Leave a Reply