Nagtalaga ang Police Regional Office 5 (PRO 5) ng 1,000 KASUROG C.A.R.E. (Crowd Management Advanced Reactionary Force Engagement) contingents bilang standby support force para sa mas pinaigting na seguridad at kahandaan kaugnay ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ngayong Hulyo 27, 2026.
Ang mga nasabing tauhan ay nakahandang i-deploy sa Metro Manila, partikular sa Maynila kung saan gaganapin ang SONA, sakaling kailanganin ang karagdagang suporta mula sa mga regional police units upang matiyak ang maayos at ligtas na pagpapatupad ng security operations.
Samantala, ang iba pang mga tauhan ng kapulisan sa ilalim ng KASUROG C.A.R.E. ay nananatiling nakaalerto upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa buong rehiyon. Sila ay itinalaga upang magbigay ng seguridad at agarang tugon sa anumang insidente kaugnay ng mga inaasahang pagtitipon at aktibidad sa Bicol Region.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng Bicol Shield Initiative ng PRO 5 sa pamumuno ni PBGen Erosito M Miranda, Regional Director, na naglalayong palakasin ang kahandaan, kakayahan, at mabilis na pagtugon ng kapulisan sa mga mahahalagang kaganapan—hindi lamang sa rehiyon kundi maging sa mga karatig-lugar na nangangailangan ng suporta.
Sa pamamagitan ng koordinadong operasyon at patuloy na kahandaan ng mga kapulisan, nananatiling nakatuon ang PRO 5 sa pagtiyak ng seguridad, kaayusan, at kaligtasan ng publiko sa bawat pagkakataon.



