Nagsimula nang magsidatingan at magtipon-tipon ang mga mamamayan sa iba’t ibang bahagi ng kahabaan ng Commonwealth Avenue ngayong umaga, Hulyo 27, 2026, bilang bahagi ng paghahanda at iba’t ibang aktibidad kaugnay ng ikalimang State of the Nation Address (SONA 2026) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Sa kabila ng makulimlim na panahon, kapansin-pansin ang pagdami ng mga tao sa lugar habang unti-unti ring bumibigat ang daloy ng trapiko sa pangunahing lansangan.
Batay sa pinakahuling ulat, nananatiling katamtaman ang daloy ng mga sasakyan sa westbound lane mula Fairlane hanggang Regalado, Sandigan hanggang Meralco, at Zuzuarregui hanggang Central. Samantala, naitala naman ang katamtaman hanggang sa mabagal na daloy ng trapiko sa bahaging Technohub hanggang sa Philcoa dahil sa pagdami ng mga motorista at mga taong nagtutungo sa lugar.
Upang matiyak ang kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng publiko sa panahon ng SONA 2026, nananatiling nakaalerto ang Philippine National Police (PNP) sa pamamagitan ng malawakang pagde-deploy ng mga tauhan para sa traffic management, crowd control, at pagpapatupad ng seguridad sa buong kahabaan ng Commonwealth Avenue. Patuloy ding hinihikayat ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad, sumunod sa mga ipinatutupad na regulasyon, at magplano ng kanilang biyahe upang maiwasan ang matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko.
Source: PNN



