Halos 600 karagdagang pulis ng PRO NIR, nakaantabay para sa ligtas at maayos na SONA 2026

0
26

Nag-deploy ang Police Regional Office Negros Island Region (PRO NIR) ng halos 600 karagdagang pulis bilang bahagi ng pinaigting na seguridad para sa mapayapa, maayos, at ligtas na pagdaraos ng Ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ngayong Hulyo 27, 2026.

Ang mga karagdagang tauhan ay idineploy bukod pa sa mga regular na pulis na nakaatas sa kani-kanilang nasasakupan upang higit pang mapalakas ang pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa buong rehiyon. Layunin ng hakbang na ito na matiyak ang kaligtasan ng publiko, mapanatili ang kaayusan, at makapagbigay ng agarang pagtugon sa anumang insidenteng maaaring makaapekto sa seguridad kaugnay ng SONA.

Ipinuwesto ang mga karagdagang pulis sa mga pangunahing lugar sa Negros Island Region upang magsagawa ng pinaigting na police visibility, tuloy-tuloy na monitoring, at mabilis na pagtugon sa anumang banta sa seguridad. Nasa full alert status din ang lahat ng yunit ng PRO NIR upang matiyak ang mataas na antas ng kahandaan sa buong rehiyon.

Kasabay nito, pinalakas din ng PRO NIR ang koordinasyon sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, mga force multiplier, at mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang maayos, organisado, at magkakaugnay na pagpapatupad ng mga hakbang sa seguridad bago, habang, at pagkatapos ng SONA.

Ayon kay Regional Director PBGEN Romano Cardiño, nananatiling pangunahing prayoridad ng PRO NIR ang pangangalaga sa buhay, kaligtasan, at seguridad ng bawat Negrense.

Ang hakbang na ito ay sumasalamin sa patuloy na pagpapatupad ng PRO NIR sa adhikaing “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman.” Sa pamamagitan ng maagap na paghahanda, mataas na antas ng kahandaan, at matatag na pakikipag-ugnayan sa mga stakeholder, patuloy na isinusulong ng PRO NIR ang isang propesyonal, responsable, at people-centered na serbisyo sa publiko.

Nananatiling matatag ang PRO NIR sa pagtupad sa mandato nitong tiyakin na ang bawat pambansang gawain, kabilang ang State of the Nation Address, ay maisasagawa sa isang ligtas, mapayapa, at maayos na kapaligiran bilang bahagi ng patuloy nitong paglilingkod sa sambayanan at pagtataguyod ng kapayapaan para sa isang Bagong Pilipinas.

Writer: Pat Andrea Dominique Depalubos

Leave a Reply