Matagumpay ang isinagawang destruction and disposal of confiscated/seized firecrackers ng Police Regional Office (PRO) 2 sa pangunguna ni Police Colonel Rodelio C Samson, Deputy Regional Director for Administration, PRO 2 na ginanap sa Grandstand ng Camp Marcelo A Adduru, Tuguegarao City, Cagayan noong Enero 7, 2026.
Naging katuwang ng PRO 2 ang Regional Civil Security Unit 2 (RCSU2), mga tauhan ng Bureau of Fire Protection at nakiisa rin ang mga media personnel sa isinagawang aktibidad.
Nasa higit 19,000 illegal firecrackers ang nasamsam at may total assessed value na Php207,408.
Ang pagkumpiska ay isinagawa mula disyembre 17 noong nakaraang taon hanggang Enero 6, 2026.
Sa mensahe ni Police Brigadier General Antonio P Marallag Jr., Regional Director, na ipinarating ni PCol Samson, binibigyang-diin ang hindi natitinag na pangako ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas sa pangangalaga sa kaligtasan ng publiko, pagprotekta sa kapaligiran, at mahigpit na pagpapatupad ng Executive Order No. 28, Series of 2017.

Dagdag nito, nabanggit ang pagbaba ng kaso ng casualty sa rehiyon kumpara noong nakaraang taon dahil na rin sa patuloy na pagpapaalala ng kapulisan at pagkumpiska sa mga ilegal na paputok.
Ang ganitong operasyon ng PRO 2 ay nagpapatunay ng kanilang tapat na pagtupad sa kanilang tungkulin na panatalihin ang kaayusan at katahimikan sa rehiyon upang masiguro ang kaligtasan ng bawat mamamayan.
Source: PRO 2/ Cagayan PPO



