Dalawang suspek, arestado sa pagbebenta ng pekeng sigarilyo sa Aritao, Nueva Vizcaya

0
447

Naaresto ng mga kapulisan ang dalawang suspek sa isang operasyon na isinagawa gabi ng Enero 6 sa Aritao, Nueva Vizcaya na nagresulta sa pagkumpiska ng mga pekeng sigarilyo.

Kinilala ang mga naaresto bilang sina alyas “Nest”, 48 taong gulang at alyas “Michelle”, 55 taong gulang, kapwa business owners at residente ng nasabing bayan.

Ang operasyon ay isinagawa ng pinagsanib na puwersa ng 2nd Nueva Vizcaya PMFC, Aritao Police Station at Provincial Intelligence Unit ng NVPPO, matapos makatanggap ng impormasyon ukol sa ilegal na pagbebenta ng pekeng sigarilyo.

Ayon pa sa ulat, ang mga nasabing sigarilyo ay ibinebenta sa mas mababang halaga kumpara sa mga lehitimong produkto. Tinatayang nasa 260 reams ng iba’t ibang klase ng pekeng sigarilyo na tinatayang aabot sa Php106,000 ang halaga ang mga nakuhang ebidensya ng kapulisan.

Samantala, muling nanawagan si PBGen Antonio P Marallag, Jr, Regional Director ng Police Regional Office 2, sa lahat ng patuloy na nagbebenta ng mga pekeng sigarilyo na hindi titigil ang kapulisan na hulihin ang mga lumalabag nito alinsunod sa pinalakas na SACLEO at focused agenda ni Acting Chief, PNP.

“Sa tulong ng ating mga mamamayan at sa walang humpay na operasyon ng ating kapulisan, tiwala tayo na ang taong 2026 ay magiging mas payapa at mas ligtas. Ang patuloy na kooperasyon at malasakit ng ating mga kababayan ay mahalagang sandigan upang maagap na masabat at mapanagot ang mga lumalabag sa batas.”, saad ni PBGen Marallag, Jr.

Dagdag pa niya, hindi titigil ang kapulisan hangga’t hindi nahuhuli at napapanagot ang mga nasa likod ng mga ganitong uri ng ilegal na pagbebenta ng pekeng sigarilyo sa buong Lambak ng Cagayan.

Source: Police Regional Office 2 FB Page