Apat na suspek, naharang sa PNP Checkpoint sa pagpupuslit ng ilegal na sigarilyo sa San Mateo, Isabela

0
513

Naharang ang apat na suspek na nagtangkang magpuslit ng ilegal na sigarilyo sa isinagawang Anti-Criminality Checkpoint ng San Mateo Police Station sa Barangay Daramuangan Sur, San Mateo, Isabela noong Enero 5, 2026.

Kinilala ang mga suspek na sina alyas “Carding”, 52 taong gulang; “Ferdi”, 46 taong gulang; “Steve”, 19 taong gulang; at “Mario”, 21 taong gulang – pawang mga residente ng Cauayan City, Isabela.

Ayon sa ulat ng PNP San Mateo, pinahinto ng mga pulis ang isang motorsiklo na may “kulong-kulong.” Sa isinagawang inspeksyon, natuklasan ang 10 karton ng BON International NISE cigarettes na tinatayang nagkakahalaga ng Php140,000. Nang hingan ng kaukulang dokumento, nabigo ang mga suspek na magpakita ng anumang papeles.

Batay sa imbestigasyon, plano umano ng mga suspek na ipagbili ang naturang ilegal na sigarilyo sa mga tindahan sa nasabing bayan. Dahil dito, sila ay nahaharap sa kasong paglabag sa Section 263 ng National Internal Revenue Code (NIRC) na inamyendahan ng Republic Act 11467 (2020).

“Ang patuloy na pagsasagawa ng Anti-Criminality Checkpoint ay malaking tulong upang mapigilan ang pagpupuslit ng mga ilegal na sigarilyo at iba pang paglabag sa batas. Hinihingi ko ang kooperasyon ng lahat at huwag isiping abala ang mga checkpoint. Nais ng PNP na mapanagot ang sinumang lumalabag sa batas upang mapanatiling ligtas at mapayapa ang Lambak ng Cagayan,” ani PBGen Antonio P Marallag, Jr.

Ang pinaigting na checkpoint operations ay bahagi ng SACLEO at nakahanay sa Focused Agenda ni PLtGen Jose Melencio C Nartatez Jr., Acting Chief, PNP, na nakatuon sa Enhanced Managing Police Operations (EMPO).

Source: Police Regional Office 2 FB Page