PRO2, naghatid ng tulong sa 50 pamilyang Agta sa Rizal, Cagayan

0
51

Matagumpay na nahatiran ng tulong ang 50 pamilyang Agta sa Brgy. San Juan, Rizal, Cagayan sa pamamagitan ng Community Outreach Program ng Police Regional Office 2 (PRO2) sa pangunguna ni Regional Director PBGen Mariano C. Rodriguez noong Nobyembre 11, 2026. Layunin ng aktibidad na maiparamdam ang suporta ng kapulisan sa mga katutubong pamayanan at makatulong sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.

Nakiisa sa aktibidad si Cagayan Police Provincial Office Director PCol Mardito G. Anguluan, kasama ang iba pang opisyal at tauhan ng PRO2, mga kinatawan ng Office of Civil Defense (OCD) Region 2, Brgy. Chairman Hon. Roderick Deric, at mga miyembro ng Company Advisory Group na sina Pastor Roque Meman at Engr. Mark Djeron Tumabao.

Namahagi ang kapulisan ng mga pangunahing suplay sa mga benepisyaryo, habang personal namang nagkaloob si PBGen Rodriguez ng tulong pinansiyal sa mga pamilyang Agta. Nagbigay rin ang OCD Region 2 ng mga hygiene kit upang makatulong sa pagpapanatili ng kanilang personal na kalinisan.

Bukod dito, naghatid din ng kasiyahan sa mga bata ang pamamahagi ng loot bags at meryenda, habang nagkaloob naman ng libreng pagpapagupit sa mga miyembro ng pamayanan. Nagpahayag ng pasasalamat ang mga benepisyaryo sa mga tulong at serbisyong kanilang natanggap.

Patuloy na pinagtitibay ng PRO2 ang ugnayan nito sa mga komunidad, lalo na sa mga katutubong pamayanan, sa pamamagitan ng mga programang nagtataguyod ng malasakit, pagkakaisa, at makabuluhang paglilingkod sa komunidad.

Source: Cagayan PPO (https://www.facebook.com/share/p/1CDzjCXmnT/?mibextid=wwXIfr)

Leave a Reply