Nagpaabot ng tulong ang 2nd Cagayan Provincial Mobile Force Company (PMFC), katuwang ang Company Advisory Group for Police Transformation and Development (CAGPTD), sa mag-asawang senior citizen na sina Nanay Anabelle at Tatay Ossias Osorio na nawalan ng tahanan dahil sa sunog sa Brgy. Langagan, Sanchez Mira, Cagayan, noong Oktubre 29, 2026. Isinagawa ang inisyatiba noong Nobyembre 11 upang makatulong sa kanilang pagbangon mula sa sinapit na trahedya.
Pinangunahan ni PMaj Jefferson D. Mukay, Acting Force Commander ng 2nd CPMFC, kasama si Hon. BM Vilmer Viloria, Chairman ng CAGPTD, ang paghahatid ng tulong sa mag-asawa. Kabilang sa mga ipinagkaloob ang mga yero, plywood, mesa, upuan, kagamitan sa pagluluto, pinggan, bigas, groceries, damit, at iba pang pangunahing pangangailangan na makatutulong sa muling pagtatayo ng kanilang tahanan.
Nakibahagi rin sa aktibidad si PCpt Julius Viernes, Hepe ng Sanchez Mira Municipal Police Station, kasama ang mga platoon leader ng unit at mga opisyal ng barangay sa pangunguna ni Kgd. Alex Romero. Ipinakita ng sama-samang pagkilos na ito ang kahalagahan ng pagtutulungan ng kapulisan, mga katuwang na organisasyon, at mga lokal na opisyal sa pagbibigay-suporta sa mga kababayang nangangailangan.
Higit pa sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, patuloy na pinatutunayan ng 2nd Cagayan PMFC ang malasakit ng kapulisan sa pagtugon sa pangangailangan ng komunidad, alinsunod sa adhikain ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Source: 2nd Cagayan PMFC (https://www.facebook.com/SecondcoyPCR/posts/pfbid02vvzSdUCg81eHVZhhbxKsosUnmD7KecVq2pnm1v4NW127urqo36x6Ny3ZCefoWSAfl?mibextid=wwXIfr)

