Project “PADABA KO, PADABAON MO” inilunsad ng PRO5, para sa kapakanan ng kapulisan at kabataan

0
79
Screenshot

Pormal na inilunsad ng Police Regional Office 5 (PRO5), sa pangunguna ni PBGen Randy Glenn G Silvio, Regional Director, ang isa na namang Project KASUROG na tinaguriang “PADABA KO, PADABAON MO” noong Nobyembre 10, 2026, sa PRO5 Grandstand, Camp BGen Simeon A. Ola, Legazpi City.

Isinagawa ang programa bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Children’s Month na naglalayong palaganapin ang diwa ng pagkakaisa, malasakit, at pagbibigayan sa pamamagitan ng pagtulong sa mga pulis, kanilang pamilya, at kabataan sa ilalim ng Project YABHA at KASUROG Damayan Program.

Bilang bahagi ng inisyatiba, hinihikayat ang mga Police Commissioned Officers na magbigay ng mga de-kalidad na gamit na maaari pang mapakinabangan, tulad ng damit, sapatos, bag, accessories, libro, at mga pangunahing kagamitan sa bahay. Ang mga donasyong ito ay ihahanda at ilalagay sa isang fundraising activity na gaganapin sa PRO5 Grandstand, kung saan maaaring makabili ang mga kapulisan ng mga nasabing kagamitan habang nakikibahagi sa isang makabuluhang adhikain.

Ang lahat ng malilikom na pondo mula sa aktibidad ay ilalaan sa pagpapalakas ng Project YABHA at KASUROG Damayan Program upang higit pang mapalawak ang tulong at suporta para sa mga pulis, kanilang mga pamilya, at kabataan.

Binigyang-diin naman ni PBGen Silvio ang kahalagahan ng pagtutulungan at pag-aaruga sa bawat miyembro ng organisasyon, at tiniyak na patuloy na magiging katuwang ang PRO5 sa pagbibigay ng kinakailangang suporta upang walang sinumang miyembro ng pamilya ng kapulisan ang mapabayaan.

Ipinapakita ng Project KASUROG “PADABA KO, PADABAON MO” ang patuloy na pagsusulong ng PRO5 sa kapakanan ng mga kapulisan, pagkakaisa ng organisasyon, at pakikipag-ugnayan sa komunidad. Alinsunod sa PNP Focused Agenda, partikular sa pagpapalakas ng morale at welfare ng mga tauhan at suporta ng komunidad, pinatutunayan ng inisyatibang ito na ang simpleng pagbabahagi ay maaaring maghatid ng malaking pagbabago. Sa pamamagitan ng pagkakawang-gawa at malasakit, hindi lamang materyal na tulong ang naibibigay ng ganitong mga programa kundi pati pag-asa at inspirasyon lalo na sa mga higit na nangangailangan.

Panulat ni PCpl Doxie Charesse C Casasos

Source: https://www.facebook.com/share/p/1CKn8KwFcC/

Leave a Reply