Magde-deploy ng mahigit 4,000 pulis ang Police Regional Office (PRO) 10 upang tiyakin ang isang ligtas, mapayapa, at maayos na kapaligiran sa buong Northern Mindanao kaugnay ng ika-5 State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na gaganapin sa Hulyo 27, 2026, sa Plenary Hall ng House of Representatives, Batasang Pambansa Complex, Batasan Hills, Quezon City.
Ayon kay Police Brigadier General Christopher N Abrahano, Regional Director ng PRO 10, may kabuuang 4,688 na mga pulis ang istratehikong i-de-deploy sa mahahalagang lugar sa buong rehiyon upang tiyakin ang seguridad ng mga pangunahing pasilidad, transport hubs, mga lugar na inaasahang pagtitipunan ng publiko, pangunahing lansangan, at iba pang kritikal na lokasyon.
Bilang karagdagang hakbang sa pagpapatibay ng seguridad, isinailalim sa Heightened Alert Status ang buong puwersa ng PRO10 upang matiyak ang pinakamataas na antas ng kahandaan ng mga tauhan at agarang pagtugon sa anumang banta sa seguridad bago, habang, at matapos ang talumpati ng Pangulo.
Inatasan din ang mga police commander na paigtingin ang police visibility, magsagawa ng tuloy-tuloy na intelligence monitoring, makipag-ugnayan nang mas malapit sa mga force multiplier at partner agencies, at ipatupad ang naaangkop na mga hakbang sa seguridad at kaligtasan ng publiko sa kani-kanilang nasasakupan. Kasabay nito, binigyang-diin ang paggalang sa konstitusyonal na karapatan ng bawat Pilipino sa mapayapang pagtitipon at sa malayang pagpapahayag ng kanilang saloobin alinsunod sa batas.
While the PNP remains steadfast in upholding every citizen’s right to freedom of expression and peaceful assembly, we call on the participants to exercise these rights responsibly and within the bounds of the law, saad ni RD Abrahano.
Source: Police Regional Office 10



