Arestado ang isang driver at truck helper ng mga operatiba ng San Rafael Municipal Police Station sa isinagawang buy-bust operation sa Brgy. Ulingao, San Rafael, Bulacan bandang 8:40 ng umaga noong Hulyo 22, 2026.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Lawrence Gerald A Bathan, Hepe ng San Rafael PNP, ang mga suspek na sina alyas “JL”, 22 taong gulang, driver, at alyas “Ron”, 18 taong gulang, truck helper, kapwa residente ng Brgy. Bata, Bocaue, Bulacan na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Ang operasyon ay isinagawa ng Station Drug Enforcement Team ng San Rafael MPS kung saan nahuli ang mga suspek matapos magbenta ng isang sachet ng hinihinalang shabu sa isang poseur-buyer kapalit ng buy-bust money.
Ang operasyon ay nagresulta sa pagkakasamsam ng buy-bust money, limang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng isang gramo na nagkakahalaga ng Php6,800, at isang kalibre .38 revolver na walang serial number o trademark na may lamang tatlong live ammunition.
Patuloy nating paiigtingin ang ating kampanya laban sa ilegal na droga at iba pang uri ng kriminalidad upang mapanatili ang kapayapaan at kaligtasan ng ating mga komunidad. Ang matagumpay na operasyong ito ay patunay ng ating matatag na koordinasyon at dedikasyon sa pagpapatupad ng batas. Hinihikayat namin ang publiko na patuloy na makiisa at agad na iulat sa kapulisan ang anumang kahina-hinalang aktibidad sa kanilang lugar, ani ni Police Colonel Jay B Baybayan, Acting Provincial Director ng Bulacan Police Provincial Office.
Source: Bulacan Police Provincial Office.



