Buong pwersa at kahandaan ang ipinamalas ng Police Regional Office 1 (PRO1) bilang tugon sa paggunita ng anibersaryo ng Martial Law, kung saan inaasahan ang posibleng pagsasagawa ng mga kilos-protesta mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan ngayong Setyembre 21, 2025.
Pinangunahan ni Regional Director Police Brigadier General Dindo R. Reyes ang serye ng koordinasyon at pagpupulong kasama ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang tiyakin ang maayos na daloy ng mga aktibidad at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa buong rehiyon.
Kabilang din sa masusing paghahanda ang City of San Fernando Police Station na siyang pangunahing nakatalaga sa lugar kung saan gaganapin ang mga aktibidad. Pinamunuan ni PLtCol Rogelio B. Miedes, hepe ng istasyon, ang pagpapatupad ng mga lokal na hakbang sa seguridad at pakikipag-ugnayan sa mga stakeholders upang matiyak ang kaligtasan ng lahat ng kalahok at mamamayan.

Ayon kay PBGen Reyes, handa ang PRO1 hindi lamang sa pagpapatupad ng seguridad kundi maging sa pagbibigay-proteksyon sa karapatan ng mamamayan na magpahayag ng kanilang saloobin. “Nais naming tiyakin sa publiko na ang inyong kapulisan ay handang magbigay ng seguridad at proteksyon sa lahat. Iginagalang namin ang karapatan ng mga mamamayan na magtipon at magsalita, ngunit kaisa rin namin ang lahat sa layunin na mapanatiling payapa ang bawat pagtitipon,” aniya.
Dagdag pa rito, tiniyak ni PLtCol Miedes na handa ang kanilang mga tauhan para sa agarang pagtugon. “Nakikipag-ugnayan kami sa mga lokal na pamahalaan, barangay, at iba pang ahensya upang masiguro ang maayos na daloy ng aktibidad. Pangunahing layunin namin na mapanatiling ligtas ang lahat sa buong panahon ng paggunita,” kanyang pahayag.
Kasama sa mga inihandang hakbang ang mas pinaigting na ugnayan ng PRO1 sa mga lokal na pamahalaan, Department of the Interior and Local Government (DILG), Bureau of Fire Protection (BFP), at iba pang katuwang na ahensya. Naka-deploy din ang mga tauhan ng Civil Disturbance Management (CDM) units upang maagap na tumugon sakaling magkaroon ng hindi inaasahang pangyayari.
Sa pamamagitan ng komprehensibong paghahanda at mas matibay na koordinasyon, tiniyak ng PRO1 at ng City of San Fernando Police Station na ang kapakanan ng publiko at ang katahimikan ng rehiyon ang mananatiling pinakamataas na prayoridad.
Source: PIO PR01
Panulat ni Kuya Henry Carinal



