Sa paggunita ng ika-53 Anibersaryo ng Martial Law, nasa kabuuang 399 mga miyembro ng Reactionary Standby Support Force (RSSF) ang na-deploy bandang alas-tres ng madaling araw ngayong Linggo, Setyembre 21, 2025, na ginanap sa PNP Transformation Oval, Camp BGen Rafael T Crame, Quezon City.
Sa pangangasiwa ni Police Brigadier General Adolfo Rafanan, RSSF Commander, ang nasabing deployment ay isinagawa, kung saan 231 NHQ RSSF, 118 mula sa PRO4A, at 50 mula sa MG ang estratehikong itinalaga sa Southbound at Northbound ng MRT Santolan.

Ang mga RSSF members, na may 40 katao bawat grupo at may kumpletong Civil Disturbance Management (CDM) equipment, ay nagpapalitan kada tatlong oras upang masigurong mas epektibo ang deployment.
Layon ng deployment na mas paigtingin ang seguridad at panatilihin ang kaayusan ng inaasahang kilos-protesta mula sa iba’t ibang grupo ng mga rallyista.

Sa liderato ni Police Lieutenant General Jose Melecio C. Nartatez Jr., Acting Chief PNP, nagkakaisa ang buong pwersa ng kapulisan upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at mapangalagaan ang karapatan sa mapayapang pagtitipon. Ang kapayapaan at seguridad ng lahat ang pangunahing prayoridad ng PNP.
Pinapaalalahanan din ang publiko, lalo na ang mga rallyista, na panatilihin ang disiplina at sumunod sa mga alituntunin upang maging maayos at mapayapa ang kabuuan ng aktibidad.



