PRO7, naka-Full Alert ngayong araw kasabay ng Anti-Corruption Rally

0
1069

Isinailalim ng Police Regional Office 7 (PRO7) ang buong Central Visayas sa Full Alert bilang hakbang sa pagpapanatili ng seguridad sa buong rehiyon ngayong araw ng Setyembre 21 kasabay ng isasagawang anti-corruption protest rally sa buong bansa.

Ang inisyatiba na ito ay kasunod ng direktiba ni Acting Chief PNP, Police Lieutenant General Jose Melencio C Nartatez Jr., na pangalagaan ang mga legal na karapatan ng mamamayan upang payapang magtipon upang isigaw ang kanilang mga hinanaing sa pamahalaan.

Ang buong PRO7 ay estratehikong nagtalaga ng tinatayang nasa 500 tauhan sa mga pangunahing lugar habang pinapanatili ang kahandaan at mabilis na kakayahang tumugon sa anumang uri ng insidente.

Tinitiyak din ng buong pamunuan ang masusing koordinasyon sa mga yunit ng lokal na pamahalaan gaya na lamang ng Armed Forces of the Philippines, at iba pang mga ahensya para sa epektibong mga operasyong panseguridad, na sumasaklaw sa pagbabantay sa galaw ng publiko, kontrol sa trapiko, at pagtugon sa emerhensiya.

“PRO7 is fully prepared to secure the anti-corruption rally. Our mission is to uphold the right to peaceful assembly while ensuring the safety of everyone in Central Visayas,” ani Police Brigadier General Redrico Maranan, Regional Director ng PRO 7.

Sa pamamagitan ng mas maiging pagbabantay at maagap na mga hakbang, mas pinagtibay ng PRO7 ang pangako nito sa ilalim ng agenda ng Acting CPNP na protektahan ang publiko, pagpapanatili ng kaayusan, at pagbibigay-daan sa mga aktibidad nang ligtas at payapa sa buong rehiyon.

Source: PRO 7