Agad na kumilos ang Police Regional Office Negros Island Region (PRO NIR) matapos ang naganap na insidente ng pamamaril na kinasangkutan ng isang incumbent Brgy. Captain ng Brgy. Kansumandig, La Libertad, Negros Oriental, madaling-araw noong Setyembre 23, 2026. Ito ay upang matiyak ang seguridad sa lugar, mapreserba ang mga ebidensya, at mabilis na matukoy ang mga posibleng sangkot sa nasabing krimen.
Batay sa paunang imbestigasyon, dakong alas 5:20 ng umaga at pauwi umano ang biktima mula Brgy. Pacuan sakay ng motorsiklo patungong Sitio Mabilog, nang nakarinig ng sunud-sunod na putok ang mga residente. Kalaunan ay natagpuan na lamang ang biktima na nakahandusay sa gilid ng kalsada habang nakatakas na ang mga suspek.
Naiulat ang insidente sa La Libertad Municipal Police Station dakong alas 5:50 ng umaga, at sa kabila ng humigit-kumulang 30 kilometrong layo ng lugar mula sa poblacion, agad na nakarating sa crime scence ang mga rumespondeng pulis upang isagawa ang kinakailangang police at investigative procedures.
Personal namang nagtungo sa lugar si PBGen Rudecindo L. Reales, Regional Director ng PRO NIR, upang pangasiwaan ang police response at imbestigasyon. Iniutos niya ang agarang pagtugon sa lahat ng posibleng lead, maayos na pagpreserba ng crime scene, at pag-activate ng Special Investigation Task Group (SITG) upang matiyak ang koordinado at komprehensibong pagsisiyasat tungo sa pagkilala at posibleng pagkakaaresto sa mga responsable.
Sa isinagawang crime scene examination, narekober ng mga imbestigador ang tatlong basyo ng bala ng .45 caliber, apat na slug, at isang cellular phone, na maayos na idinokumento at isinailalim sa wastong pag-iingat bilang bahagi ng ebidensya.
Nakipag-ugnayan din ang kapulisan sa Scene of the Crime Operations (SOCO) para sa masusing crime scene processing, habang patuloy na tinutukoy ang mga posibleng saksi at iba pang mga taong maaaring may mahalagang impormasyon.
Kasabay nito, isinagawa rin ang pag-backtrack sa mga posibleng CCTV footage upang matukoy ang mga galaw ng biktima at mga suspek bago at matapos ang insidente. Patuloy ding sinusuri ng mga imbestigador ang lahat ng anggulo upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at ang motibo sa insidente.
Sa pamamagitan ng Negros Oriental Police Provincial Office at La Libertad Municipal Police Station, tiniyak ng PRO NIR na gagamitin ang lahat ng naaangkop na police at investigative resources upang maitatag ang buong pangyayari at mapanagot ang sinumang mapatutunayang responsable, alinsunod sa batas at due process.
Hinikayat naman ng PRO NIR ang sinumang nakasaksi o may nalalamang impormasyong makatutulong sa imbestigasyon na makipag-ugnayan sa La Libertad MPS o sa investigating team.
Panulat ni Pat Andrea Dominique Depalubos
Source: https://www.facebook.com/share/p/1KtSgJfqri/
