Muling pinatunayan ng Police Regional Office Negros Island Region (PRO-NIR) ang kanilang matatag na paninindigan para sa hustisya matapos ang matagumpay na pagsasampa ng kasong rape with homicide laban sa dalawang suspek na sangkot sa pagpaslang sa isang 17-anyos na dalagita sa Bacolod City.
Noong Mayo 29, 2026, pormal na isinampa sa Office of the City Prosecutor ang kaso laban kina alyas “Jac” at alyas “Bry,” kapwa residente ng Barangay Estefania, Bacolod City. Ang mahalagang hakbang na ito ay bunga ng masusing imbestigasyon at walang sawang pagsisikap ng mga operatiba ng PRO-NIR upang mabigyan ng katarungan ang biktima at ang kanyang pamilya.
Pinuri naman ni PBGen Romano V Cardiño, Acting Regional Director ng PRO-NIR, ang mga pulis na nanguna sa imbestigasyon dahil sa kanilang dedikasyon, propesyonalismo, at determinasyon na mahanap ang katotohanan at mapanagot ang mga responsable sa krimen.
Ayon kay PBGen Cardiño, ang pagsasampa ng kaso ay patunay ng walang humpay na kampanya ng PNP laban sa karumal-dumal na krimen at ng kanilang matibay na pangakong maghatid ng mabilis, tapat, at nararamdamang serbisyo sa mamamayan.
Ang tagumpay na ito ay sumasalamin sa patuloy na pagsisikap ng PRO NIR na protektahan ang mga kababaihan at kabataan, palakasin ang tiwala ng publiko sa sistemang pangkatarungan, at tiyaking walang sinumang lalabag sa batas ang makakatakas sa pananagutan.
Sa bawat hakbang tungo sa hustisya, nananatiling matatag ang PRO-NIR sa misyon nitong pangalagaan ang kapayapaan, ipatupad ang batas, at magbigay ng serbisyong tunay na nararamdaman ng sambayanan, sa ilalim ng prinsipyo ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong mabilis, tapat, at nararamdaman,”.
Panulat ni Pat Andrea Dominique Depalubos



