Mahigit Php1 Milyong halaga ng marijuana, sinira sa Sugpon, Ilocos Sur

0
24

Mahigit Php1 milyong halaga ng marijuana ang sinira ng mga awtoridad sa isinagawang marijuana eradication operation sa bulubunduking bahagi ng Barangay Caoayan, Sugpon, Ilocos Sur noong Mayo 30 hanggang 31, 2026.

Pinangunahan ng 1st Ilocos Sur Provincial Mobile Force Company (ISPMFC) bilang lead unit ang operasyon, katuwang ang 2nd ISPMFC, Ilocos Sur Provincial Drug Enforcement Unit (ISPDEU), Ilocos Sur Provincial Intelligence Unit (ISPIU), Ilocos Sur Provincial Intelligence and Digital Management Unit (ISPIDMU-KIMAT), at Sugpon Municipal Police Station (MPS).

Sa ilalim ng Minor Operation (Marijuana Eradication) OPLAN 2026-10 “PARIUGAT ALPHA,” muling nadiskubre at winasak ng mga operatiba ang apat na plantasyon ng marijuana na may kabuuang lawak na tinatayang 890 metro kuwadrado. Nakapagtala rin ang mga awtoridad ng humigit-kumulang 5,020 fully grown marijuana plants na may kabuuang Standard Drug Price (SDP) na Php1,004,000.

Matapos ang masusing imbentaryo, ebalwasyon, at dokumentasyon, agad na binunot at sinunog sa mismong lugar ang mga natuklasang tanim na marijuana sa pangunguna ng mga tauhan ng ISPDEU at 1st ISPMFC. Wala namang naaresto o nahuling cultivator sa isinagawang operasyon.

Ayon kay PCpt Alex M. Quiday, Officer-in-Charge ng 1st ISPMFC, ang matagumpay na operasyon ay patunay ng patuloy na pagtutulungan ng Philippine National Police at iba pang law enforcement units sa kampanya laban sa iligal na pagtatanim ng marijuana at iba pang ipinagbabawal na droga sa lalawigan.

Muling hinikayat ng mga awtoridad ang publiko na makipagtulungan sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon hinggil sa anumang kahina-hinala o iligal na aktibidad sa kanilang komunidad upang higit pang mapalakas ang kampanya laban sa krimen at iligal na droga, at maisulong ang isang ligtas, maayos, at mapayapang Bagong Pilipinas.

Panulat ni PMSg Carmela G Danguecan

Source: Sugpon MPS

Leave a Reply