PNP, nagtala ng 25.77% pagbaba sa focus crimes noong Mayo 2026

0
23

Mas pinatatag ng Philippine National Police (PNP) ang kampanya nito laban sa kriminalidad matapos maitala ang malaking pagbaba ng mga focus crimes sa bansa. Batay sa pinakahuling datos, ang Mayo 2026 ang may pinakamababang bilang ng mga insidente sa loob ng unang limang buwan ng taon, na umabot lamang sa 2,149 kaso.

Mula sa 3,094 na insidente noong Enero, bumaba ito sa 2,832 noong Pebrero, bahagyang tumaas sa 3,268 noong Marso, at muling bumaba sa 2,877 noong Abril bago tuluyang bumagsak sa pinakamababang antas noong Mayo.

Kung ihahambing sa kaparehong panahon noong nakaraang taon, nabawasan ng 746 kaso o katumbas ng 25.77 porsiyento ang bilang ng focus crimes noong Mayo 2026, mula sa 2,895 insidente na naitala noong Mayo 2025.

Malaki rin ang ibinaba ng bilang ng mga seryosong krimen. Ang mga kaso ng murder ay bumaba mula 335 tungo sa 270, physical injuries mula 431 tungo sa 279, at rape mula 763 tungo sa 280. Nagtala rin ng pagbaba ang robbery mula 249 tungo sa 233 at theft mula 878 tungo sa 818. Samantala, nanatiling mababa at hindi nagbago ang bilang ng carnapping ng motor vehicles sa 14 na insidente.

Ayon kay Police General Jose Melencio C Nartatez Jr., Chief, PNP, ang positibong resulta ay bunga ng tuloy-tuloy na police visibility, mas pinaigting na operasyon, at mas matatag na koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan, partner agencies, at mamamayan.

“Maganda po ang ipinapakita ng ating datos, ngunit hindi ito panahon para magpakampante. Tuloy-tuloy ang ating pagbabantay at paglilingkod sa komunidad upang masigurong ramdam ng ating mga kababayan ang kapayapaan sa kanilang paligid,” ani PGen Nartatez.

Muling pinagtibay ng PNP ang pangako nitong ipagpatuloy ang mga programang nakatuon sa pagpigil at pagsugpo sa kriminalidad, alinsunod sa bisyong “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman,” upang matiyak ang isang ligtas at payapang pamayanan para sa bawat Pilipino.

Leave a Reply