Slovenian na umakyat sa poste ng kuryente, nasagip sa mabilis na responde ng General Santos City PNP

0
30

Nasagip sa mabilis na responde ng mga awtoridad ang isang 62-anyos na Slovenian national matapos itong umakyat sa poste ng kuryente sa kahabaan ng Daproza Street, Barangay Dadiangas West, General Santos City nito lamang Mayo 30, 2026.

Nabatid na nakatanggap ng impormasyon ang General Santos City Police Station 1 hinggil sa isang dayuhan na umakyat sa poste ng kuryente na matatagpuan sa tabi ng isang convenience store, na nagdulot ng pangamba sa mga residente at mga motorista.

Agad na rumesponde ang mga pulis at siniguro ang kaligtasan ng publiko sa pamamagitan ng pag-secure sa lugar habang nakikipag-ugnayan sa iba pang kinauukulang ahensya upang maisagawa ang ligtas na pagsagip sa naturang indibidwal.

Bahagyang tumagal ang negosasyon dahil tumanggi ang dayuhan na magpasagip. Makalipas ang ilang minuto, nawalan ito ng balanse at napakapit na lamang sa isang kable ng kuryente sa bahaging hindi gaanong mataas mula sa lupa. Nang lapitan siya ng mga rescuer upang tulungan, bigla itong tumalon, na dahilan upang magtamo ng mga pinsala. Agad naman nabigyan ng paunang lunas ng mga medic na nakaantabay sa lugar bago isinailalim sa karagdagang medikal na atensyon.

Nakiisa rin sa isinagawang rescue operation ang City Mayor’s Office, City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), City Social Welfare and Development Office (CSWDO), Bureau of Fire Protection, at City Health Office.

Sa pamamagitan ng maagap at maayos na koordinasyon ng mga ahensya ng pamahalaan, naging ligtas ang pagsagip at pagresponde sa insidente.

Muling pinagtibay ng General Santos City Police Station 1 ang kanilang pangako na pangalagaan ang buhay ng bawat mamamayan, panatilihin ang kaayusan at kaligtasan ng komunidad, at maghatid ng serbisyong may malasakit, propesyonalismo, at paggalang sa dignidad ng bawat tao.

Leave a Reply