Nakapagtala ang Police Regional Office 4A (PRO4A) ng 6.09 porsiyentong pagbaba o 55 na mas kaunting insidente ng walong Focus Crimes sa CALABARZON noong Agosto 2026. Mula sa 903 insidente noong Hulyo, bumaba ito sa 848 noong Agosto, na nagpapakita ng patuloy na pagsisikap ng kapulisan na mapanatili ang kaligtasan at seguridad ng mga komunidad sa rehiyon sa ilalim ng pamumuno ni Acting Regional Director PBGen Dominic L. Baccay.
Malaki ang naging ambag sa pagbaba ng kaso ng Theft na bumaba ng 36 insidente, mula 395 tungo sa 359, habang ang Rape ay bumaba naman ng 23 kaso, mula 180 tungo sa 157. Bumaba rin ang Murder mula 64 tungo sa 59, Homicide mula 26 tungo sa 22, Carnapping of Motorcycles mula 71 tungo sa 69, at Carnapping of Motor Vehicles mula 8 tungo sa 7. Gayunman, tumaas ang Robbery mula 89 tungo sa 94 at Physical Injury mula 70 tungo sa 81, na bibigyang-pansin ng PRO4A.
Nanguna ang Rizal sa naitalang pagbaba ng Focus Crimes, mula 232 kaso noong Hulyo tungo sa 201 noong Agosto, sinundan ng Quezon na bumaba mula 128 tungo sa 111, Batangas mula 150 tungo sa 139, at Laguna mula 199 tungo sa 197. Samantala, tumaas ang kaso sa Cavite mula 194 tungo sa 200, kaya’t nakatakda itong bigyan ng mas pinaigting na police attention. Kasabay nito, umangat ang Crime Solution Efficiency ng PRO 4A mula 68.44 porsiyento tungo sa 70.99 porsiyento, habang umabot sa 98.23 porsiyento ang Crime Clearance Efficiency.
Nagpatuloy rin ang malawakang police operations sa buong CALABARZON, kabilang ang 923 anti-illegal drug operations na nagresulta sa pagkakaaresto sa 1,156 drug personalities at pagkakasamsam ng ilegal na droga na may kabuuang Standard Drug Value na Php19,772,573.40. Nadagdagan din ang operasyon laban sa illegal gambling at loose firearms, habang 1,092 wanted persons ang naaresto noong Agosto.
Binigyang-diin ni PBGen Baccay na bagama’t nakahihikayat ang pagbaba ng Focus Crimes, hindi magiging kampante ang PRO4A at patuloy nitong tututukan ang mga lugar kung saan tumaas ang mga insidente. Sa ilalim ng kaniyang B.E.S.T. Policing Framework—Be Visible, Engage Immediately, Serve Together, and Transform Trust—patuloy na paiigtingin ng PRO4A ang police visibility, mabilis na pagtugon, pakikipagtulungan sa komunidad, at pagpapatibay ng tiwala ng publiko, alinsunod sa Focused Agenda ni PGen Jose Melencio C. Nartatez Jr., Chief PNP, at sa adhikain ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Source: PRO 4A (https://www.facebook.com/share/v/1DnuEgvnTk/?mibextid=wwXIfr)



