PNP, tututukan ang pagkakaroon ng mahusay at disiplinadong hanay; 6,500 karagdagang pulis, inaasahan sa ilalim ng attrition quota

0
1008

Tututukan ng Pambansang Pulisya sa ilalim ng pamumuno ni Acting Chief PNP, PLTGen Jose Melencio C. Nartatez Jr., ang pagkakaroon ng mahusay at disiplinadong hanay, kasabay ng muling pagbubukas ng recruitment ngayong taon para sa mahigit 6,500 bagong pulis bilang kapalit ng taunang attrition quota.

Binigyang-diin ni PLTGen Nartatez na ang recruitment ngayong taon ay nakabatay sa integridad, transparency, at merit-based selection upang matiyak na ang tanging pinakamahuhusay at may malasakit sa paglilingkod lamang ang makapapasok sa PNP.

“Sa ilalim ng aking pamumuno, titiyakin nating ang bawat bagong miyembro ng PNP ay mahuhubog at mapapatnubayan tungo sa pagiging pulis na karapat-dapat sa tiwala at respeto ng taumbayan — serbisyong mabilis, tapat, at nararamdaman,” ani PLTGen Nartatez.

Ang hakbanging ito ay bahagi ng PNP Focused Agenda sa ilalim ng Management of Resources, na layuning mapagtibay ang epektibong pagtalaga ng mga tauhan, at ng iba pang material at financial resources upang makamit ang mataas na antas ng operational efficiency at organizational excellence.

“Hindi sapat na ikaw ay malakas at matipuno; dapat ay may tamang kasanayan, kaalaman, at kakayahang humarap sa hamon ng pagiging tagapagpatupad ng batas. Ang badge na iyong isusuot ay simbolo ng serbisyo at integridad, hindi ng kapangyarihan,” dagdag pa ni PLtGen Nartatez.

Batay sa tala noong September 30, 2025, ang PNP ay may kabuuang 230,560 na tauhan na binubuo ng 17,676 Police Commissioned Officers, 199,559 Police Non-Commissioned Officers, 12,232 Non-Uniformed Personnel, at 1,093 cadets na nakatalaga sa iba’t ibang yunit sa buong bansa.

Ipinagmamalaki rin ng PNP ang mga Tactical Officers at Field Training Officers na magsisilbing gabay at tagapagsanay ng mga bagong rekrut upang maging ganap na mga pulis na may kakayahan, malasakit, at integridad.

Samantala, tiniyak ni PNP Spokesperson PBGEN Randulf T. Tuaño na ang kasalukuyang PNP recruitment ay ginagawa nang tapat, maayos at walang kinikilingan.

“Tinitiyak ng PNP na ang bawat bagong rekrut ay dumaraan sa tamang proseso ng pagpili at mga pagsasanay upang maging bahagi ng repormadong kapulisan. Sa pamumuno ni Acting Chief PNP, PLtGen Jose Melencio C. Nartatez Jr., binubuo natin ang bagong henerasyon ng mga pulis na tunay na kaagapay ng mamamayan,” ani PBGen Tuaño.

Photo by NCRPO